‘Anting-Anting’ (Last Part)
BIYERNES Santo, alas sais lamang ng umaga ay nakahanda na ako para sa pag-akyat sa bundok ng Maragooc. Kumpleto na ang mga gamit at baon kong pagkain at tubig.
Eksaktong 6:30, sinimulan ko na paglalakad. Tumawid ako ng ilog at sapa. Malawak na palayan ang dinaanan ko bago narating ang paanan ng bundok ng Maragooc.
Nagpahinga muna ako. Uminom ng tubig.
Pagkaraan ng ilang minutong pahinga, umakyat na ako sa bundok. Tamang-tama ang sikat ng araw. Hindi pa mainit sa balat.
Hanggang marating ko ang tuktok ng bundok. Kahit humihingal, nakadama ako ng saya sapagkat nakakita ako nang maraming puno ng niyog na pawang nga pandak pero maraming bunga. Pawang mga niyog ang aking nakita at bihira ang mga punongkahoy.
Sinimulan kong hanapin ang mga kambal na niyog. Mabilis akong nakakita. Dahil pandak ang niyog, madali kong nakuha ang mga bunga nito. Paalala ni Lolo Ponciano, pawang mga tuyo o matured na niyog ang aking kukunin.
Marami akong nakuhang tuyong niyog. Sinimulan kong balatan ang mga niyog para makita kung mayroong “nag-iisang mata”.
Sampung niyog ang aking nabalatan subalit wala ni isa man doon ang may “iisang mata”.
Nagpatuloy ako sa pagbabalat at bakasakaling may matiyempuhan kahit isang niyog. Subalit wala. Sa inis ko, inihagis ko ang mga niyog sa kakahuyan. Hindi ko alam may tinamaan akong bahay ng pukyutan at nabulabog ang mga ito. Hinabol ako. Kinagat ako sa ulo, likod at braso. Nadapa ako sa pagtakbo. Nagkasugat-sugat ang katawan ko. Mabuti at nakakita ako ng hukay na malalim at dun nagtago. Muntik na akong mamatay.
Mula noon, kinalimutan ko na ang anting-anting para hindi tablan ng bala.
- Latest



















