^

Punto Mo

Halaga ng Omega-3 sa kalusugan

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

MAAARING pamilyar kayo sa Omega-3 fatty acids dahil madalas itong mabasa sa mga label ng de latang sardinas o tuna. Karaniwan itong ibinabando sa mga produktong pagkaing dagat dahil malinaw ang ebidensiyang may mabuting epekto ito sa kalusugan ng tao. Inieendorso rin ito ng mga artista at ibang celebrities na nagtataguyod ng healty lifestyle.

Ang Omega-3 ay kabilang sa unsaturated fats na tinatawag na healthy fats, sapagkat tumutulong itong protektahan ang puso at mga daluyan ng dugo kapag kinain sa angkop na dami. Isa sa mga pangunahing tungkulin nito ang pagpapababa ng chronic inflammation, isang tahimik ngunit mapaminsalang proseso na nakakasira sa lining ng mga blood vessel. Kapag tuluyang napinsala ang mga ugat na dinadaluyan ng dugo, tumataas ang panganib ng heart attack at stroke.

Sa isang bagong pag-aaral na pinangunahan ng University of East Anglia, University of Southampton, at Holland & Barrett sa United Kingdom, iniulat na tinatayang 76 porsiyento ng mga tao sa buong mundo ang kulang sa Omega-3 sa kanilang diyeta. Ibig sabihin, karamihan ay hindi nakakakain ng sapat na isda, gulay, at iba pang pagkaing pinagmumulan ng fatty acid na ito.

Ayon sa mga pag-aaral na inilathala ng Cleveland Clinic, ang Omega-3 ay nagpapababa ng panganib sa cardiovascular disease, abnormal na ritmo ng puso na nagdudulot minsan ng biglaang pagkamatay, blood clots, at breast cancer. Pinababagal din nito ang paglubha ng Alzheimer’s disease at dementia, gayundin sa pagpigil sa age-related macular degeneration, isang sakit sa mata na maaaring magdulot ng permanenteng pagkabulag.

Idiniin sa Mayo Clinic na may potensyal ang Omega-3 sa pagpapababa ng blood pressure at pag-iwas sa irregular heart rhythms. Dahil dito, madalas irekomenda ng mga cardiologist ang pagkain ng isda nang isa hanggang dalawang beses kada linggo, lalo na ang mga may mataas na nilalamang Omega-3. Ipinapakita sa maraming pag-aaral na ang regular na pagkonsumo ng isda ay maaaring magpababa ng posibilidad ng heart attack, kasama na ang tinatawag na sudden cardiac death na bunga ng matinding electrical disturbance sa puso.

May ilang nag-aalala tungkol sa mercury at iba pang contaminants sa isda. Ayon sa Mayo Clinic, umiiral man ang panganib, mas matimbang pa rin ang benepisyo ng pagkain ng isda bilang bahagi ng isang masustansiyang diyeta. Mahalagang pumili ng isdang mababa ang mercury, lalo na para sa buntis, nagpapasuso, at maliliit na bata.

Sa pangkalahatan, karamihan sa isdang kadalasang nakakain ng mga Pilipino—gaya ng sardinas, salmon, mackerel, herring, lake trout, cod at canned light tuna—ay may mababang mercury at mataas na Omega-3. Ipinaliwanag din ng Healthline na ang mga tuna sa de-lata ay kadalasang mas bata at mas maliit na uri, kaya’t mas mababa ang mercury kumpara sa malalaking tuna fillet na sariwa o frozen. Dapat lamang suriin ang label dahil may ilang brand na mataas sa asin o mantika.

Gayunman, kailangang iwasan ang madalas na pagkain ng mga isdang kilalang mataas sa mercury. Kapag naipon ito sa katawan, maaaring magdulot ng mercury poisoning na sumisira sa utak, nervous system at ilang bahagi ng katawan. Ang ilang species tulad ng king mackerel, marlin, orange roughy, swordfish, tilefish at bigeye tuna ay mas mabuti nang kainin nang minsanan at sa maliit na dami kung hindi ganap na maiiwasan. Ganito rin ang paalala para sa ilang freshwater fish gaya ng largemouth bass, freshwater perch at ilang uri ng wild catfish na mataas din ang mercury lalo na kung mula sa polusyon-prone na ilog o lawa.

-oooooo-

Email: [email protected]

OMEGA-3

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with