Mata-pobre
ISANG alitang naganap sa pagitan ng isang dating mataas na opisyal ng gobyerno at isang karaniwang mamamayan ang nagpalutang sa isyu ng mapaminsalang kapintasan na kung tawagin ay mata-pobre. Galing sa salitang Espanyol ang mata-pobre. Ang ibig sabihin ng “mata” ay patayin, samantalang ang “pobre” ay mahirap.
Kaya ang literal na kahulugan ng mata-pobre ay patayin ang mahirap. Pero sa patalinghagang-kahulugan, ang mata-pobre ay isang taong mapagmaliit, mapanghusga, mapanghamak, at mapang-insulto sa mahihirap at may mababang pinag-aralan. Kaya’t ang mata-pobre ay may mapang-insulto at mapagmataas na pag-uugali.
Noong unang panahon, napakabigat maturingan na mata-pobre. Parang isinumpa ang isang taong kikilalaning mata-pobre, sapagkat siya’y lalayuan at kamumuhian. Nakalulungkot na sa ating panahon ay napakaraming kuwento ng matataas na lider sa gobyerno o mga kabilang sa alta-sosyedad ang kinakikitaan ng pagiging mata-pobre.
Sila ang mga tao na ang pinahahalagahan lamang ay ang salita o opinyon ng mga naka-Rolex o naka-Gucci. Ang mga mata-pobre ay walang pagpapahalaga sa mga taong walang kayamanan o mataas na pinag-aralan na para bang ang mga bagay na ito ang salalayan ng dangal ng isang tao, gayong malinaw ang sinabi ni Hesus sa Lucas 12:15, “...sapagkat ang buhay ng tao’y wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
May mahihirap na marangal, samantalang may mayayamang walang dangal. Ang katotohanang ito’y lumutang mula sa nalubog na maanomalyang mga flood control projects ng DPWH.
Mata-pobre rin ang mga korap na pulitikong bumibili ng boto ng mga botante, sapagkat ang paniwala nila’y for sale ang dangal ng mahihirap. Totoong may mahihirap na ibinebenta ang dangal, pero hindi para ma-satisfy ang walang-katapusang pagnanasa, kundi para matugunan ang kumakalam na sikmura. Sa madaling salita, ibinebenta ng isang mahirap ang kanyang dangal para lang mabuhay.
For sale din naman ang dangal ng mga korap na pulitiko at mga tiwaling opisyales ng gobyerno. Pero hindi na for survival ang dahilan, kundi para ma-satisfy ang walang katapusang pagkagahaman sa kayamanan.
Hindi na sila nasisiyahan sa milyun-milyon kung kaya’t bilyun-bilyon na ang kinukurakot. Sa madaling salita, for sale din ang dangal ng mga korap na pulitiko at mga tiwaling opisyales ng gobyerno, pero hindi para mabuhay, kundi para mapanatili ang maluhong pamumuhay.
Mata-pobre rin ang mga korap na pulitiko na ang gusto’y manatiling mangmang ang mga botante para madali nilang maloko sa tuwing may eleksyon. Ang gusto ng mga pulitikong ito’y palagiang tumanaw ng utang na loob ang mga botante sa ginagawa nilang paglilingkod, gayong sila’y pinasusuweldo ng mamamayan para maglingkod.
Galit si Hesus sa mga mata-pobre at mapagbalatkayo na pinangungunahan ng mga Eskriba at Pariseo, itinuturing na mga lider espirituwal at pulitikal ng panahong iyon. Katulad dito sa atin, ang mga lider mismo ang mga mata-pobre. Ganito ang sinabini Hesus sa Mateo 23:33, “Mga ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makaiiwas na maparusahan sa impiyerno!”
Tila mas mabagsik ang mga mata-pobre at mapagbalatkayo rito sa atin, sapagkat hindi lamang ahas at ulupong ang taguri sa kanila, kundi mga buwaya na sinasabing walang kabusugan.
Ang kabaliktaran ng mata-pobre ay mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagmahal sa kapwa, lalo na sa mahihirap at mga mangmang. Ito ang uri ng mga lider na kailangan natin upang makabangon ang Pilipinas sa masaklap niyang kalagayan sa kasalukuyan!
- Latest




















