EDITORYAL - Nasayang ang pera sa matarik na footbridge

Nasayang ang P10-milyon na ginastos sa Kamuning footbridge o mas kilala sa tawag na “Mt. Kamuning”. Tinawag na Mt. Kamuning dahil sa sobrang tarik kaya nahihirapan ang mga tao na umakyat dito. Ang mga mahihina ang katawan at may edad ay hindi ito maaakyat. Matatagpuan ang footbridge sa Scout Borromeo–NIA South Road, Quezon City.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. na gibain ang footbridge at palitan nang bago na magagamit ng mamamayan. Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, nakita mismo ng Presidente ang footbridge at nakita kung gaano kataas ang footbridge na hindi kayang akyatin ng mga mahihina ang katawan.
Ayon pa kay Dizon, gusto umano ni Marcos na ang itatayong bagong footbridge ay mas mababa at may elevator. Dapat din daw na konektado ang itatayong bagong footbridge sa GMA-Kamuning EDSA Busway Station. Pinamamadali umano ng Presidente ang paggawa sa footbridge.
Ginawa ng contractor na BF Corporation ang footbridge noong Oktubre 2018 sa pangangasiwa ng Metro Manila Development Authority (MMDA). May taas itong 30 talampakan. Ginawa rin umano ito para makaiwas sa mga holdaper at iba pang masasamang loob ang mga pedestrians. At higit sa lahat para makaiwas sa disgrasya kung tatawid ang pedestrians sa EDSA.
Subalit sa halip na makatulong sa mamamayan, naging pahirap ang footbridge. Bihira ang nakaaakyat. Ginastusan nang malaking halaga subalit walang pakinabang dahil sa masamang desenyo. Nagpapakita lamang na hindi na pinag-isipan ang footbridge at basta na lamang ginawa. Bahala nang mamroblema ang mga aakyat. Walang pakialam kung may mamatay man sa mga aakyat dahil sa sobrang tarik.
Ngayon, panibagong gastos ang babalikatin ng pamahalaan sa pagpapatayo ng bagong footbridge. Baka mas malaking pondo ang kakailanganin para makapagpatayo ng bagong footbridge.
Bakit hindi obligahin ang kontraktor ng Mt. Kamuning na sila ang bumalikat sa itatayong bagong footbridge? Dispalinghado ang kanilang proyekto at nararapat lamang na maibalik ang halagang binayad dahil walang nakinabang. Buwis ng taumbayan ang ginamit sa paggawa ng footbridge kaya hindi dapat masayang. Nararapat maibalik ang malaking ginastos sa Mt. Kamuning.
- Latest




















