Huling hirit sa pagpapatuli
HETO na naman ang panahong hinihintay ng mga batang nasa age of puberty. Ito ang isang ritwal na karaniwang sinusuong tuwing tag-araw ng mga kabataang lalaki. Pagpapatuli. Circumcision. Walang batang lalaki sa bansang ito na di dumadaan sa procedure na ito. Kapag umabot ng high school na di-tuli ang mga batang lalaki, nagiging tampulan sila ng panunukso. Na para bang dito nakasalalay ang kanilang pagkakalalaki.
Sa maraming bansa ngayon, ang pagpapatuli ay hindi na sapilitan. Isa na lamang itong choice o option. Maraming kalalakihan sa Europa ay hindi nagpapatuli. Kakatwa na tinatawag nating “German cut” ang isang klase ng tuli gayong ang mga Germans (na kabilang sa mga Europeans) naman ay hindi nagpapatuli. Hindi bahagi ng kanilang kultura ang magpatuli. Marami rin sa mga bansa sa Asya ay hindi rin sumasailalim dito. At marami pang lahi sa daigdig ang hindi rin nagpapatuli.
Pero bakit sa Pilipinas, ang pagpapatuli ay isang praktis na dapat daanan ng bawat batang lalaki? Katunayan, sa aking klinika dati, may isang lalaking ang edad ay 54 na pumunta para magpatuli. Nagulat ako na sa edad niyang 54 ay noon lamang niya naisipang magpatuli. Sa kanyang pagkukuwento, nalaman kong nabalo na siya at may mga asawa na rin ang kaniyang mga anak. Nang tinanong ko kung bakit gusto pa niyang magpatuli sa gayong edad, sinabi niyang muli pala kasi siyang mag-aasawa at hindi raw alam ng kasalukuyang girlfriend niya na hindi pa siya tuli. Labis daw siyang mahihiya kung matutuklasan ng girlfriend niya ang kalagayan niyang iyon.
Ang pagpapatuli ay may religious reason kung bakit patuloy itong pinapraktis sa Pilipinas. Noong araw, ang pagiging “tuli” (circumcised) ay palatandaan na ang isang tao ay sa Diyos. Isa itong covenant na ang tao ay kakampi ng Diyos. Kaya nga lahat ng Hudyo ay tuli. At dahil ang ating bansa ang sinasabing “the only Christian nation” sa Timog-Silangang Asya, ang tradisyon ng pagpapatuli ay patuloy na pinapraktis dito. Matindi talaga ang ating Christian tradition kung kaya ang praktis ng pagpapatuli ay buhay pa rin hanggang ngayon.
Sa mga probinsiya, popular pa rin ang praktis ng “pukpok” gamit ang isang matalim na labaha bilang isang procedure. Hindi nga lamang ito “sterile” sapagkat ginagawa lamang ito sa tabing-ilog matapos na pababarin sa ilog ang batang tutuliin (ang lamig ng tubiG-ilog o tubig-sapa ang nagsisilbing local anesthesia). Pagkatapos ay lalagyan ng nginuyang dahon ng bayabas ang nalikhang sugat ng pagpukpok.
Pero ngayon ay marami nang ginagawang “Operation Tuli” sa mga barangay kung kaya marami ang naeengganyo na subukan nang magpatuli sa mga doktor o nurse na nagme-medical mission. Sa mga pribadong doktor man o sa mga pampublikong ospital, karaniwan na itong ginagawa lalo sa panahong walang pasok sa eskuwelahan. Mas maituturing na ligtas ang ganitong procedure sapagkat lahat ng instrumentong ginagamit dito ay “sterile.” At may ini-inject ng local anesthesia upang walang maramdamang kirot/sakit habang ginagawa ang pagtutuli.
Anuman ang napiling paraan ng pagpapatuli, sa kulturang Pinoy, ang higit na mahalaga ay nagpatuli ang isang kabataang lalaki. Pero sakali mang hindi nagpatuli ang isang tao, wala naman itong masasabing masamang side effects. Hygiene lamang ang dahilan kung bakit nagpapatuli. Kung nagdesisyong di magpatuli, panatilihin lamang na malinis ang ulo ng penis. Nagkakaroon kasi ng smegma (kupal) ang natatakpang bahagi ng lambi o balat.
- Latest


















