^

Punto Mo

‘Ang mga alaga ni Lita’

- Tony Calvento - Pang-masa

MGA alagang aso ang kanyang pintuan, pusang gala ang naging kaibigan, sa pag-iibon naman niya naramdaman ang kalayaan.

“Sinita nila mga kalakal ko sa labas ng bahay, nung ipinasok ko naman sa loob ko kinuha nila. Pati mga sako ng damit ko tinangay,” ani ‘Lita’.      

Nagsadya sa aming tanggapan ang 56 anyos na si Angelita Lopez o “Lita”---‘street sweeper’ sa Brgy. 601, Zone 59, District VI, Manila. Nirereklamo ni Lita ang pagpasok umano ng Department of Public Service (DPS) sa bahay niya.

“Mismo pamangkin ko nag-utos na pasukin ang bahay ko at kunin ang mga gamit ko…” ani Lita. Ika-29 ng Oktubre 2014, bandang 10:00 ng umaga habang nasa loob ng kanyang bahay si Lita sa First St. V. Mapa, Sta. Mesa Manila pumarada ang isang trak sa kanyang tapat. Ilang sandali bumaba daw ang mga nakasakay at hinila umano siya palabas ng bahay.  

“Kinuha nila ang dapat nila kunin. Hinarass nila ako,” reklamo ni Lita.

Si Lita ay sampung buwan ng nagwawalis sa mga kalsadang kinakasakupan ng kanilang barangay. Kasama niya sa bahay ang buntis na anak at isang anak na isa umanong ‘special child’. Hindi tinanggi ni Lita na dati na siyang nag-iipon ng mga kalakal sa labas ng kanilang bahay at nasita na siya kaya’t ipinasok niya ito sa loob. Ang hindi daw niya maitindihan kung bakit pati sako niya ng mga damit tinangay din umano ng mga taga DPS. Kwento pa ni Lita, pinakita na lang sa kanya ng mga ito ang papel patunay na binibigyan sila ng permiso na pasukin ang bahay niya. Nagpakita rin ang mga ito ng ID’s na taga DPS nga sila.

“Nagtatago raw ako ng mga basura sa loob ng bahay ko, hindi naman totoo…” depensa ni Lita. Sa dami umano ng pumasok sa kanyang bahay wala na raw nagawa itong si Lita at lumabas na lang ng bahay. Pakiramdam ni Lita ng mga san­daling iyon pinagtulungan siya ng taga DPS dahilan para sumama ang loob niya sa kanilang Punong Barangay na si Lito Erasquin at si Rowena Manalo pamangkin daw mismo ni Lita — mga nakipagtulungan umano sa paghahakot ng mga gamit ni Lita. “Hindi naman ako papansinin sa barangay kaya naiisip kong magpunta sa inyong tanggapan,” ani Lita. Ika-03 ng Nobyembre 2014 nang magsadya sa aming tang­gapan si Lita. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).

PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag tinawagan namin mismo si Kapitan Lito Erasquin para marinig ang kanyang panig sa nirereklamo ni Lita. Ayon kay Kap. Erasquin, mula buwan ng Disyembre nung nakaraang taon pa may nagsumbong na sa kanya na nag-iipon ng mga basura itong si Lita sa loob ng kanyang bahay.

“Binigyan namin siya ng warning ilang beses pero wala siyang ginawa,” pahayag ni Kapitan. Sa kakulitan daw ni Lita, nag-‘file’ daw ng petisyon ang kanyang mga kapitbahay. Isang daan mahigit daw sa kanilang residente ang pumirma dito kabilang ang kanya raw anak. Binigyan naman siya ng pagkakataon ni Kapitan at muling kinausap. Kahit  hindi umano nakikinig si Lita, inintindi nila ito. Maliban sa basura ayon sa kapitan, problema rin nila ang mga alaga nitong si Lita.

“Dalawa na po nakagat ng aso niya. Marami ’yang aso at pusa. Ngayon nga po nag-iibon pa yan,” sabi ni Kapitan Erasquin. Kinuha na raw nila ang isang aso ni Lita at inalagaan subalit nagalit pa raw ito sa kanila.         

“Yung mga aso ko, sa pinto ko yan. Kasi nasira pinto ko,” depensa ni Lita.

Wala rin daw siyang alagang pusa, mga pusang gala daw iyon.  Hindi rin daw siya nakakatanggap ng kahit anong sulat  o petisyon galing sa kanilang barangay. Mariin naman itong tinanggi ng kapitan at sina­bing nagpadala sila sa bahay ni Lita su­balit hindi niya ito tinatanggap. Pati ang DPS at Bureau of Fire Protection (BFP) nagpadala na rin ng sulat sa kanya dahil sa mga basurang kanyang iniipon na maaring pagsimulan ng sunog. Sa tigas daw ng ulo ni Lita, nakarating na sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Mayor ang reklamo ng mga kapitbahay sa kanya. “Ilang beses namin siya binibigyan ng pagkakataon pero wala talaga,” sabi ni Kapitan. Ito daw ang dahilan kung bakit umabot na sila sa paghahakot.

“Yung anak niya buntis, ma­nganganak kasama ng mga ba­sura?” ani Kap.

 Ayon kay Kap, bago pumunta sa aming tanggapan si Lita, inaya niya pa ito na magwalis sa kanilang lugar subalit tumanggi ito at sina­bing may pupuntahan siya. “Sa inyo na pala siya pupunta,” sabi ni Kap Erasquin. Hiniling ni Kap na kung manga­ngalakal itong si Lita ay ibenta na niya agad ang mga nakuhang basura sa parehong araw at huwag na niya itong ipunin.

“Sana makisama kayo sa ikagaganda ng barangay natin… gusto ko malinis ang barangay ko,” ani Kap Erasquin. Hiniling niya na papuntahin si Lita sa barangay para sila’y makapag-usap. Giit niya ’di na iba si Lita sa kanya kaya’t ganun na lang ang pag-iintindi niya rito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung titingnan ang punto ng magkabilang panig, alam naming ang gusto lang ni Lita ay kumita sa marangal na paraan subalit hindi niya dapat ipunin ang kanyang mga kalakal sa loob ng kanyang bahay na naging parang ‘junkshop’. Dapat natin tandaan na tayo’y naka­tira sa isang komunidad at hindi nag-iisa sa isang bundok at liblib na lugar.

Malinaw naman na nakaaapekto ito sa mga kapitbahay dahil marami nang nagrereklamo. Maari itong pagmulan ng sunog o kaya’y pamugaran ng itlog ng lamok. Lalo na ngayong uso ang dengue at walang pinipili kung sino ang kakagatin nito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig. O mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Land­lines 6387285 / 7104038.

vuukle comment

BAHAY

DAW

KAP

LITA

NIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with