Mga mangingisdang Chinese parusahan nang mabigat
DAPAT ipataw ang pinaka-mabigat na parusa sa 12 Chinese na crew ng fishing vessel na Ming Long Yu na sumadsad sa Tubbataha Reefs.
Hindi dapat magpaapekto ang Aquino administration sa anumang diplomatic pressure. Ipakita at iparamdam sa China na may mahigpit ding batas na umiiral sa Pilipinas na dapat irespeto ng sinuman. Pagmultahin din ang Chinese government tulad sa US nang sumadsad ang USS Guardian.
Sa China, halos lahat ng mga kompanya ay pag-aari ng gobyerno kaya dapat alamin ng ating gobyerno kung pag-aari ng Chinese government ang Ming Long Yu. Bukod sa multa, ikulong din ang mga Chinese. Sa China kapag ang Pilipino ay lumabag sa kanilang batas ay hindi rin pinakikinggan ang ating mga panawagan at pakiusap. Halimbawa na lamang ay ang mga binitay na Pilipino na kahit nakiusap ang pamahalaang Pilipinas na ibaba ang sentensiya o palawigin ang tinakdang bitay ay hindi tayo pinagbigyan dahil may batas silang dapat ipatupad.
Panahon na upang iparamdam sa China na may batas na umiiral sa Pilipinas, Panahon na para sipating mabuti ng gobyerno ang mga nagkalat na Chinese sa Binondo at sa iba pang lugar na hinihinalang walang kaukulang papeles para manatili sa bansa. Magagaling ang mga negosyanteng Chinese. Mayroon silang malaking puhunan kaya dehado ang mga Pilipino.
Pero hindi naman dapat na lumitaw na may diskriminasyon sa mga Chinese. Maraming Pilipino-Chinese ang may lihitmong negosyo sa bansa at nakakatulong sa ating ekonomiya.
* * *
Sana’y matupad ang naunang pahayag ni P-Noy na kanyang titiyakin na makapagbabayad ng tama ang lahat ng mga negosyanteng Tsinoy . Base sa pagsusuri ng BIR maraming nagpapalusot na Tsinoy at hindi nakapagbabayad ng tamang buwis. Ang paghihigpit na ito ay gagawin ng gobyerno para na rin sa kapakanan ng buong bansa. Ito ay para rin makakuha pa ng respeto ang mga Pilipino mula sa mga dayuhan lalo na ang mga nais na magnegosyo at pansamantalang manirahan sa Pilipinas.
- Latest















