Editoryal - Hindi lang baril ang ibawal, pati alak
MAY katwiran si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino na ibawal pati ang alak sa election period. Sa halip na dalawang araw lang, gawin itong 45. Maaaring mabawasan ang mga nangyayaring kaguluhan kung mahaba ang liquor ban.
Sang-ayon kami sa planong ito ng MMDA. Naniniwala kami na magiging mapayapa ang pagdadaos ng May 13, 2013 elections kung walang alak. Marami nang katibayan na ang alak ay nagiging ugat ng karahasan. At kung ang alak ay isisilbi sa panahong may election, maaaring mag-ugat ng mga kaguluhan.
Ayon kay Tolentino, kung wala raw alak, walang makaaapekto sa mga saloobin at opinion ng mga botante na may kinalaman sa paghahalal ng kanilang kandidato.
Pero may “bumabaril†na agad sa ideya ni Tolentino. Dalawang Comelec commissioners ang nagsabi na hindi maganda ang ideya sapagkat mahaharap sila sa legal problems. Tiyak daw na uulanin sila ng reklamo mula sa mga malalaking kompanya ng alak. Hindi anila katanggap-tanggap ang ideyang pahabain ang liquor ban.
Bakit hindi muna subukan ang ideya ni Tolentino? Kung pangarap ng Comelec na maging mapayapa ang 2013 elections, ipagbawal ang alak. Bakit naman agad nilang naiisip na uulanin sila ng batikos sa hakbang na ito ni Tolentino? Mas babatikusin sila kung magkakaroon ng karahasan sa election na ang pinagmulan ay ang kalasingan sa alak.
Magkaroon ng pagsangguni sa iba pang Comelec commissioners ukol sa liquor ban. Hindi sapat na may dalawang tutol sa petisyon ay “babarilin†agad ito. Anong malay nila baka ito ang makatulong sa hinahangad na mapayapang eleksiyon.
- Latest















