Bebot binaril sa sentido, todas!

BALAGTAS, Bulacan, Philippines — Patay agad ang isang 28-anyos na babae matapos na malapitang binaril sa sentindo ng isang hindi kilalang gunman sa N. Garcia Street, Brgy. Wawa, dito sa bayan kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan ay idineklarang dead-on-the-spot sa insidente bunsod ng isang tama ng punglo sa ulo.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong ala-1:40 ng madaling araw nitong Lunes nang lapitan ng isang hindi kilalang lalaki ang biktima, residente ng Brgy. Wawa, Balagtas, at biglang pinaputukan gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Matapos na makitang napuruhan ang target, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Balagtas Public Market.
Narekober ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ang isang fired cartridge case na pinaniniwalaang mula sa isang 9mm na baril.
Agad na nagsagawa ng dragnet operation at hot pursuit operation ang mga operatiba ng Balagtas Police upang matukoy at maaresto ang suspek.
Patuloy na nangangalap ang pulisya ng mga posibleng ebidensya, kabilang ang mga kuha ng CCTV camera.
- Latest




















