2 panadero nalunod, utas
MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang isang masayang picnic makaraang aksidenteng malunod ang dalawang panadero sa Agkuyo River, Bontoc, Mountain Province, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jeremihan Binan Guing-oy, 25-anyos ng Mankayan, Benguet at Jacob Ting tan, 38-anyos ng Baguio City.
Sa ulat ng Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang dalawang biktima ay kabilang sa limang panadero na nag-swimming matapos ang mga itong magkatuwang magpiknik sa ilog noong Hunyo 29 sa nasabing ilog dakong alas-3 ng hapon.
Gayunman, kapwa nawala ang dalawa kung saan inabot na ng alas-6 ng gabi ay hindi pa ang mga ito matagpuan matapos na mapagawi ang mga ito sa malalim na parte ng ilog.
Dahil dito, inireport na ng may-ari ng isang bakeshop na pinagtatrabahuhan ng mga biktima ang insidente sa mga awtoridad na agad namang nagsagawa ng search operations.
Kinabukasan (Hunyo 30) ay natagpuan na ang bangkay ng mga biktima na nasa ilalim ng ilog na sumabit sa batuhan.
Naiahon naman ng mga rescuer ang bangkay ng dalawang panadero na itinurn-over na sa kanilang pamilya para maihatid sa huling hantungan.
- Latest

















