Killer ng ex-COP todas sa Sulu encounter

4 sundalo sugatn
MANILA, Philippines — Napaslang ang isang most wanted sa batas na itinuturong nasa likod ng ambush-slay sa isang dating police colonel noong 2009 habang apat namang sundalo ang sugatan sa engkuwentro sa kagubatan ng Maimbung, Sulu noong Sabado.
Sa ulat ni Major Gen. Leonardo Peña, Commander ng Army’s 11th Infantry Division, kinilala ang napatay na suspect na si Alganer Dahim alyas “Wangbu”, nakatala bilang Number 2 most wanted person (MWP) sa Sulu at umano’y miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
Ayon kay Peña, si Dahim ay napatay matapos na makasagupa ang pinagsanib na elemento ng militar, pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sulu sa Brgy. Kapok Punggol ng bayang ito kamakalawa.
Lumabas sa report na naghagis ng granada ang suspek at pinagbabaril ang tropa ng gobyerno nang siya ay tangkaing arestuhin kaya napilitan nang gumanti ng putok ang mga pulis at sundalo.
Apat na sundalo mula sa Army’s 41st Infantry Battalion ang nasugatan sa grenade shrapnel, na dinala na sa Camp Bautista Station Hospital sa kapitolyo ng Jolo, Sulu para malapatan ng pangunahing lunas.
Sa tala, si Dahim ay sangkot sa pagpatay kay dating Sulu Provincial Police Office DirectorP/Col. Julasirim Kasim sa bayan ng Maimbung noong 2009 at pagpatay sa tatlong miyembro ng pamilya Amil sa Brgy. Labah ng nasabi ring munisipalidad may ilang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa opisyal ang suspect ay may 33 kasong kriminal kabilang ang pagkakasangkot sa large-scale illegal drug operation sa mga bayan ng Parang, Indanan at Maimbung.
Narekober sa encounter site ang mga bala at iba pang mga armas pandigma na gamit ng suspect.
“Our troops remain constantly vigilant, and we will not allow unlawful disturbances affecting the lives of the people of Sulu,” saad ng opisyal.
- Latest


















