2 convenience store sa Cavite, hinoldap

CAVITE , Philippines — Nagiging paborito na ng mga holdaper na manloob sa mga convenience store na karaniwang walang nakatalagang guwardya matapos na magkasunod na pinasok at ninakawan ang dalawang sangay ng Alfamart sa lalawigang ito, kamakalawa.
Unang insidente ng panghoholdap ay naganap sa bayan ng Amadeo dakong alas-9:40 ng gabi kung saan isang ‘di nakilalang suspek na nakasuot ng itim na helmet ang dire-diretsong pumasok sa Alfamart sa Brgy. Poblacion 1 ng nasabing bayan at nagdeklara ng holdap.
Nilapitan agad ng suspek ang kahera na si alyas John Cedrick Ramac, 23, at nagdeklara ng holdap saka tinangay ang mahigit sa P15,000 na laman ng kaha bago mabilis na tumakas sakay ng itim na motorsiklo na walang plaka.
Kasunod nito, dakong alas-2:50 ng madaling araw naman nang holdapin ng dalawang armadong lalaki ang isa pang sangay ng Alfamart sa Brgy. Poblacion 3, Silang.
Ayon sa pulisya, isa sa mga suspek ang pumasok sa loob ng store habang ang isa ay naiwan sa labas at nagsilbing look out. Kumuha ng mga frozen goods ang suspek at nagdiretso sa counter na kunwaring magbabayad. At nang nasa counter na, agad nitong tinutukan ang dalawang kahera at nagdeklara ng hold-up.
Mabilis na nilimas ng suspek ang laman ng kaha na aabot sa mahigit P11,000. Hindi pa nasiyahan, inutusan pa nito ang isang biktima sa stock room at pilit na pinabuksan ang vault at tinangay ang laman na aabot sa halagang P73,900 bago tuluyang tumakas kasama ang isang nakaantabay na suspek.
- Latest

















