Hepe ng DEU na adik, pinasisibak ni Sinas
MANILA, Philippines — Pinasisibak ni PNP chief General Debold Sinas sa serbisyo ang hepe ng Zamboanga City Police-Drug Enforcement Unit (DEU) matapos na magpositibo sa paggamit ng shabu.
Ayon kay Sinas, walang puwang sa PNP si Police Major Jiverston Pelovello na nagpositibo sa isinagawang random drug testing.
Sinabi ni Sinas na ang mga abusadong pulis tulad ni Pelovello ay dapat na makasuhan at matanggal sa serbisyo upang hindi na pamarisan pa ng kanyang mga tauhan at kabaro sa PNP.
Agad na inilagay sa restrictive custody si Pelovello sa Regional Personnel Holding and Accounting Section ng Police Regional Office 9 makaraang magpositibo sa droga.
Dagdag pa ni Sinas, 60 na tauhan ng Zamboanga City Police Office ang sinalang sa drug test kasama na ang 12 CDEU personnel pero si Pelovello lang ang nagpositibo sa ilegal na droga noong Disyembre 18, 2020. Lumabas naman ang confirmatory result ng drug test ng opisyal nitong Enero 6, 2021.
Ayon naman kay PRO-9 regional police director BGen. Ronaldo Ylagan, agad dinis-armahan ang nasabing opisyal at inilagay sa holding and accounting unit ng regional police headquarters.
- Latest