Parak napraning, pinatay ng mga kaanak
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Isang 34- anyos na pulis ang patay matapos kuyugin ng mga kamag-anak niyang naglalaklakan nang magwala ang una at umano’y sinumpong ng kanyang sakit sa pag-iisip sa Brgy. Bagay sa lungsod na ito kamakalawa.
Kinilala ni P/Staff Sergeant Winston Arao ang nasawi na si P/Corporal Ronnie Ferdinand Paguirigan na nakatalaga sa tanggapan ng Police Regional Office dito habang ang mga kaanak ay nadakip at nakilalang sina Jonel Balunsat, 25-anyos; Robinson, 39, Reymund, 19, at Jeffrey, 35, pawang Paguirigan ang mga apelyido.
Sa imbestigasyon, nagwala umano ang pulis matapos makaubos ng isang boteng gin dakong alas-7:30 ng gabi . Pagkatapos nito, lumabas ng bahay at tinungo ng biktima ang kumpulan ng mga kaanak na noon ay nag-iinuman din.
Bigla umanong kinuyog ng mga manginginom ang pulis matapos siyang mambato ng mga paso ng halaman sa lugar.
Nabatid na sumasailalim sa gamutan sa sakit na “Schizophrenia” o pagka-praning ang pulis, bagay kung bakit ito nagwawala lalo na’t nalalasing.
Isinugod ang pulis sa isang pribadong ospital subalit idineklara na siyang dead-on-arrival dahil sa tindi ng natamong pinsala sa kanyang bungo.
Dinakip naman ng mga nagrespondeng kabaro ang mga kaanak ng biktimang pulis matapos ang insidente.
- Latest