Babae pinugutan ng ulo, itinapon

BULACAN, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang babae matapos na matagpuan ito na napugutan ng ulo at nakahandusay sa gilid ng isang kalsada sa Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan Huwebes ng gabi.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng biktima na nasa 18-20 anyos, 4’10-5’0” ang taas, mestisa, nakasuot ng asul na leggings, itim na jacket at nakayapak lamang.
Base sa imbestigasyon nina SPO1 Jayson Taniza at PO3 Samuel Caspe, dakong alas-10:30 ng gabi habang nagpapatrolya ang mga kagawad ng Bulacan Provincial Public Safety Company sa nasabing lugar nang mapansin ang nakahandusay na katawan sa gilid ng kalsada.
Nang siyasatin, nakita nila ang walang ulong katawan ng babae at nababalutan ng malaking bath towel ang itaas na bahagi nito at may nakabalot na malaking trash bag sa ibabang bahagi ng katawan.
Sa pagsusuri ng SOCO, nakitang may dalawang saksak ng hinihinalang ice pick sa magkabilang bahagi ng dibdib at may mga pasa sa mga hita na palatandaang pinahirapan muna ang biktima bago pinugutan ng ulo at saka itinapon sa lugar.
- Latest























