Sanggol nilapa ng mga aso
CAVITE, Philippines - Pinaniniwalaang biktima ng abortion ang isang sanggol na natagpuang gutay-gutay makaraang pagtulungang lapain ng mga asong gala sa dalampasigan ng Barangay Munting Mapino sa bayan ng Naic, Cavite kamakalawa.
Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alauna ng hapon nang mamataan ng ilang residente ang mga asong gala na nagkakagulo at nag-aaway-away sa isang plastic bag.
Pinag-aagawan ng mga aso ang itim na bag kung saan ilang residente ang bumato sa mga aso kaya natigil ang pag-aaway.
Gayunman, napansin na isa sa mga aso ang tumakbo palayo na may kagat-kagat na paa ng bata.
Kaagad naman nilapitan ng ilang residente ang plastic bag kung saan tumambad sa kanila ang gutay-gutay na katawan ng sanggol na sinasabing may isang araw pa lamang nailuluwal dahil nakakabit pa ang pusod nito.
Inaalam naman ng pulisya, katuwang ang mga opisyal ng barangay para matukoy ang ina ng sanggol.
- Latest