Coed nagbigti, 'di naka-graduate

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines  – Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang 21-anyos na estudyante matapos itong magbigti dahil sa matinding sama-ng-loob na sinasabing hindi nakasama ang kanyang pangalan sa magtatapos sa kolehiyo sa La Union, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ng pulisya ang nag-suicide na si Arnolfo Santos, Information Technology student  at nakatira sa Barangay Maragayap sa bayan ng Bacnotan, La Union.

Ayon sa ulat, natagpuan na lamang ang katawan ng biktima na nakasabit sa likurang bahagi ng kanilang tahanan dakong alas-5 ng umaga kamakalawa.

Lumilitaw na nagpatiwakal ang biktima ay sinasabing nagpadala pa ng text message sa kanyang mga magulang at humihingi ng kapatawaran sa kanyang gagawin.

Sinasabing labis na dinamdam ng biktima ang hindi mapasama ang kanyang pangalan sa mga magsipagtapos sa kolehiyo sa Lorma College sa San Fernando City kaya nagawa nitong salubungin ang karit ni kamatayan.

Nabatid sa ulat na dalawang subject pa ang hindi natapos ng biktma kung kaya hindi napasama sa graduation.

Samantala, umaabot na sa 6 na kaso ang nagpapakamatay ang naitala sa nasabing lalawigan simula noong Enero 2012.

Show comments