Encounter: 2 sundalo utas

MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na nasawi habang isa pa ang nasugatan matapos makasagupa ang mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng Barangay Andres Bonifacio, Cadiz City, Negros Occidental kahapon ng umaga.

Kinilala ni Capt. Leo Christopher Cunanan, spokesman ng Army’s 303rd Infantry Brigade ang dalawang sundalo na sina Private First Class Nazario Benavidez Jr. at Ryan Toledo.

Isinugod naman sa Saint Anne Hospital ang na­sugatang si Sgt. Alfredo Isidro Jr. matapos tamaan ng bala sa tuhod.

Napag-alamang nagpakalat ng tropa ng sundalo si Col. Oscar Lactao matapos makatanggap ng impormasyon na may mga rebeldeng nanghaharas sa mga residente.

Sa kasagsagan ng putukan ay nasawi ang dalawang sundalo habang pinaniniwalaan namang nalagasan din ang grupo ng mga rebelde base sa mga patak ng dugo sa lugar na dinaanan sa pagtakas.

Show comments