2 golf course sa Cavite kinasuhan
Nalalagay sa balag ng alanganin ang pamunuan ng dalawang golf club sa Cavite na sinasabing patuloy na ‘di-nagre-remit ng P5.5 milyong halaga mula sa Golfer’s Environmental Fee simula pa noong 2005 makaraang kasuhan ng syndicated estafa ng Provincial Trea surer’s Office.
Kasalukuyang nasa opisina ng provincial prosecutor ang kasong isinampa ng Provincial Treasurer’s Office laban sa The Orchard Golf and Country Club sa bayan ng Dasmariñas at Eagle Ridge Golf and Country Club sa General Trias.
Napag-alamang nakakolekta ang Orchard ng P4,476,260 ng Golfer’s Environmental Fees noong Pebrero 2005 hanggang Disyembre 2007, samantalang ang Eagle Ridge naman ay nakakolekta ng P1,070,660 noong Abril 2006 - Disyembre 2007.
Ang nasabing bayarin ay nakasaad sa Provincial Tax Ordinance No. 2004-001 (2004 Revised Revenue Code of the Province of Cavite) subalit kinuwestyon ng dalawang golf club at naghain ng petisyon sa Department of Justice noong Abril 2005, at sa regional trial court.
Bagamat tinututulan ang probisyon ng tax ordinance at kahit wala pang desisyon ang korte sa kanilang mga inihaing petisyon, patuloy naman ang dalawang golf club sa paniningil na nasabing bayarin hanggang sa kasalukuyan na hindi ipinapasok sa kaban ng lalawigan kaya kinasuhan ng Provincial Treasurer’s Office sa pangunguna ni Provincial Legal Officer Atty. Leilanie Grimares.
- Latest
- Trending




















