October 16, 2007 | 12:00am
Ama nagbaril sa ulo, todas
CAMP CRAME — Hinintay lamang ng isang ama na matapos ang debut ng kaniyang anak na dalaga bago ito nag-suicide sa sariling bahay sa Barangay Tibungko, Davao City kahapon ng madaling-araw. Nagtamo ng tama ng bala sa sentido ang biktimang si Joel Bagulor, kawani ng Legazpi Oil at residente ng Cal Village 1 ng nabanggit na barangay. Napag-alamang itinaon ng biktima ang pagbaril sa sentido habang natutulog ang kanyang misis at mga anak sa sariling bahay. Bago maganap ang insidente, nitong linggo ng gabi ay nagpaalam pa ang biktima sa kanyang anak na katatapos lamang ng ika-18 kaarawan. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, na matinding depresyon ang posibleng isa sa motibo ng pagpapatiwakal ng biktima at maliban sa problemang pinansyal ay nahaharap sila sa mas matindi pang problema dahil kabilang si Joel sa apektado ng ipatutupad na mass layoff ng nasabing kompanya. (Joy Cantos)
Sayawan nauwi sa rambulan
NUEVA ECIJA — Nauwi sa karahasan ang masayang sayawan makaraang magkarambulan ang dalawang grupo ng kabataan na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng dalawang iba pa, kamakalawa ng gabi, sa Barangay San Isidro, Zaragosa, Nueva Ecija. Namatay sa Lapaz District Hospital ang biktimang si Marlon Balingit, 20, habang sugatan naman sina Eduardo Almayda, 21 at Marlito Balingit, 19, pawang naninirahan sa Barangay San Isidro. Tugis ng pulisya ang suspek na si Val Villanueva, 23, na itinuturong sumaksak sa biktima. Napag-alamang nagdaos ng sayawan sa nabanggit na barangay at nagpabungahan ang dalawang grupo hanggang sa magkapikunan na humantong sa rambulan at saksakan. (Christian Ryan Sta. Ana)
Patayan sa inuman
CAVITE — Humantong sa saksakan ang masayang inuman ng alak na ikinasawi ng isa habang kritikal naman ang kaibigan nito sa naganap na madugong karahasan sa Barangay San Nicolas, Bacoor, Cavite kahapon ng madaling-araw. Napuruhan sa tiyan ang biktimang si Vicente Roxas, 58, ng Block 10 Lot 24 Phase 3, Soldiers H, Barangay Molino 6, samantala, sugatan naman sina Ruel Flores, 35 at Antonio Vantigue, 38, kapwa residente ng Green Valley Subd. Tumakas naman ang mga suspek na nakilala lamang sa alyas Bato at Ibet na naninirahan sa Green Valley, Barangay Molino 3, Bacoor, Cavite. Napag-alamang nag-iinuman ng alak ang mga biktima sa Corsion videoke bar nang makiusap ang mga suspek na bayaran ang kanilang nainom na alak, subalit tumanggi ang una. Dito na nagalit ang mga suspek at isinagawa ang krimen. (Cristina Timbang)
Lolo timbog sa rape ng 3 apo
CAMP CRAME — Kalaboso ang binagsakan ng isang matandang lalaki makaraang ireklamo ng panghahalay ng kanyang tatlong apo sa bayan ng Nueva Valencia, Guimaras, ayon sa ulat kahapon. Pormal na kinasuhan habang nakakulong ang suspek na si Juanito Dalton na ’di-na nakapalag matapos arestuhin ng pulisya. Batay sa ulat ng Guimaras PNP na isinumite sa Camp Crame, ang suspect ay inireklamo ng panga-abusong sekswal ng kaniyang tatlong apo na may edad na 19,14 at 10-anyos. Nabatid sa ulat na unang hinalay ng suspek ang apo nitong may edad na 19 at isinunod ang dalawa hanggang sa magreklamo ang mga biktima. Sa lumitaw na resulta ng medical examination ay positibong hinalay ng matanda ang tatlong biktima. Wala naman piyansang inirekomenda sa suspek. (Joy Cantos)
2 trader timbog sa gun ban
CAMP CRAME — Dalawang negosyante ang iniulat na inaresto ng mga operatiba ng pulisya makaraang makumpiskahan ng malakas na kalibre ng baril na walang lisensya at mga bala kaugnay ng ipinatutupad na gun ban sa barangay. at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 29 sa Lipa City, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ang mga suspek na sina Franck Lupac at Rolando Catibo; kapwa residente ng Barangay Malagonlong ng nasabing lungsod. Ayon kay P/Supt. James Brillantes, hepe ng Police Regional Office (PRO) 4-A, Regional Special Operations Group, ang mga suspek ay nasakote sa isinagawang raid sa Lipa City dakong alas-8:30 ng umaga sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Cesar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court. Nasamsam mula sa bahay ni Lupac ang M16 rifle, dalawang pistola at 500 bala ng iba’t ibang uri ng baril. Sa bahay naman ni Catibo ay nakuha ang isang M16 rifle, tatlong pistola at may 300 uri ng mga bala. Nagpapatuloy naman ang Oplan Paglalansag ng pulisya. (Joy Cantos at Arnell Ozaeta)
South Cotabato inulan ng yelo
CAMP CRAME — Nagulantang ang mga residente sa mga bayan ng Polomolok at Tupi, South Cotabato makaraang umulan ng yelo, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat na nakarating sa Office of Civil Defense, nagtataka ang mga residente sa biglang pagbuhos ng ulan at dahil may kalakasang pagbagsak ng kung anong bagay sa bubong ng kanilang bahay ay kanila itong inusisa at nang makita ay tila mga butil na mais ang laki ng yelo. Marami ang natuwa dahil unang pagkakataon nila itong naranasan sa kanilang paninirahan sa nasabing mga bayan. Gayon pa man, hindi maiaalis ang pangamba at takot sa panig ng ibang mga residente sa lugar na posibleng may matinding kalamidad ang hatid ng yelo tulad ng mahabang tagtuyot. (Joy Cantos)