Kaherang kinasuhan, nag-suicide

CAMP RAFAEL RODRIGUEZ, Butuan City — May posibilidad na dinamdam ng isang 20-anyos na kahera ang isinampang kasong pagnanakaw sa kanya ng may-ari ng pribadong kompanya kaya nagdesisyong mag-suicide sa loob ng selda ng himpilan ng pulisya sa Surigao City, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Jane Anne Reyes Dingle ng Barangay Washington, Surigao City at kahera sa Absolute Essential Traders, Inc. na may address sa panulukan ng Amat at Rizal Street ng nabanggit na barangay.

Base sa opisyal na ulat ng Surigao PNP na isinumite sa Caraga Regional Police Office, ang biktimang mestisahin na gumamit ng kumot at t-shirt bago itinali sa kanyang leeg ay natagpuang nakabitin sa kisame ng detention cell ng mga babae sa nasabing himpilan kamakalawa ng gabi.

Napag-alamang kinasuhan ng qualified theft ng management ng nasabing kompanya ang biktima noong Enero 31, kaya nakulong.

Ayon sa ilang preso, huling namataang buhay ang biktima na nag-iisa sa kanyang kulungan na humahagulgol hanggang sa magbigti ang dalaga.

Tinangka namang sagipin ang biktima para malapatan ng lunas, subalit idineklarang patay ng doctor sa Caraga Regional Medical Center.

May natagpuan ang mga tagapagsiyasat ng pulisya ng isang liham sa loob ng selda ng biktima na pinaniniwalaang suicide note, subalit tumanggi ang pulisya na isapubliko.

Nanawagan naman ang mga kaanak ng biktima na masusing imbestigahan ang insidente at ang kasong isinampa laban sa kahera para malinawan ang kaso. (Ben Serrano)

Show comments