2 pang parak malubha: Rookie cop dedo sa sariling baril

CAMP CRAME – Isang bagitong pulis ang nasawi habang malubhang nasugatan ang dalawa pang kasamahan nito matapos na umano’y aksidenteng pumutok ang service firearm na nililinis ng una sa loob ng kanilang barracks sa Agusan del Norte, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si PO1 Gall Magaso, nakatalaga sa Caraga Region na idineklarang dead-on-arrival sa CBR Emergency Hospital sa Agusan del Sur.

Kasalukuyan namang ginagamot ang dalawang kasamahan ng biktima na sina PO1 Jay Orly Celo at PO1 Ronald Bitangcor, pawang Scout students sa nasabing rehiyon at nasa ilalim ng pangangasiwa ng Deployment Battalion Mobile Training Team (DBMTT).

Sa report, nitong Oktubre 19 dakong alas-5:45 ng umaga ay inutusan ang tatlong biktima ng kanilang instructor na si PO2 Ramon Untenta Jr. na linisan ang kanilang mga service firearm para sa gagawin nilang rifle exercises.

Habang nililinis ng mga biktima ang kanilang armas sa loob ng barracks, bigla na lamang umanong may pumutok mula sa barracks at nang tunguhin ang mga ito ng iba pa nilang kasamahan ay nakitang duguan ang tatlo kaya mabilis na isinugod sa pagamutan.

Patuloy na sinisiyasat ng kanilang opisyal ang nasabing insidente.

Ang mga biktima ay nasa ilalim ng isang rigid training ng Company Headquarters, 143 TMG Company sa Poblacion, Santiago, nasabing lalawigan. (Angie dela Cruz)

Show comments