25 tripulante sinagip ng Phil. Navy

CAMP AGUINALDO – Dalawampu’t limang (25) Indonesian national na tripulante ng barkong pangkargamento ang nailigtas ng mga tauhan ng Phil. Navy at Phil. Coast Guard nang maaktuhang papalubog na ang sasakyang pandagat ng mga dayuhan habang naglalayag malapit sa karagatan ng Cagayan, ayon sa ulat kahapon.

Ang mga nasagip na Indonesian ay pinangungunahan ni Djono Suyono, Ship Captain at 24 pa nitong kasamahang tripulante na lulan ng M/V Anugra, Sakti na pag-aari ng Persahan Pelayarani PT ng Pulah Weh, Indonesia.

Sa ulat, bandang ala-1:00 ng madaling araw nang balyahin ng malalaking alon ang cargo vessel ng mga tripulanteng Indon sa bahagi ng Pacific Ocean di kalayuan sa karagatan ng Cagayan.

Napag-alaman pa sa ulat na ang barko ay patungong China para mag-deliver ng mga plywood nang maganap ang insidente.

Ligtas na nakarating sa Pier ng San Vicente, Cagayan ang 25 Indon na isinailalim sa kustodya ng Sta. Ana Police Station ng Cagayan Provincial Police Office (PPO). (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments