Alkalde, 12 opisyales sa Bulacan sinuspinde

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan – Siyamnapung araw na suspensyon ang ipinataw ng Sandiganbayan sa alkalde, dalawang konsehal at 10 lokal na opisyales sa lungsod na ito kaugnay sa isinampang kaso ng katiwalian sa kanila may limang taon na ang nakalilipas.

Ang pagkakasuspinde ng Sandiganbayan kay Mayor Eduardo Roquero kasama ang 12 lokal na opisyales ng nabanggit na lungsod ay ipinalabas makaraang ipagpatuloy ang nakabinbing kaso laban sa kanila na may kaugnay sa proyektong ipinagawang waiting shed at mini-basketball court sa Brgy. Gaya-gaya.

Napag-alaman na hindi dumaan sa bidding ang construction ng dalawang proyekto na nilagdaan naman ng mga naturang opisyales.

Sa panig naman ng abogado ni Mayor Roquero, na matagal ng dismiss ang naturang kaso at sa hindi nabatid na dahilan ay biglang nabaligtad ang desisyon ng korte.

Magsusumite naman ng "request for injunction" sa Court of Appeal ang abogado ni Mayor Roquero at 12 lokal na opisyales upang mapawalang bisa ang desisyon na pinaniniwalaan nilang may bahid ng pulitika. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments