MANILA, Philippines — Nagbabala sa publiko si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa bagong sistema ng mga scammer na “micro hub” upang itago ang kanilang operasyon.
Ayon kay Remulla, nangungupahan na lamang sa maliliit na bahay ang mga sindikato kaya tinatawag na “micro hub” kung saan 10 hanggang 20 katao lamang ang kapasidad at hindi tulad noon na libo-libong scammer ang nagtatrabaho sa iisang gusali.
Nabatid na tinututukan ng mga otoridad ang tatlong aktibong micro scam hub sa Metro Manila na umano’y may kaugnayan sa mga sinibak na pulis at sundalo.
Hindi pa tinukoy ng kalihim ang pagkakakilanlan at bilang ng mga dating pulis at sundalong hinihinalang sangkot, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Patuloy din ang pagtugis sa mga naturang hub kasunod ng pagsalakay sa isang hinihinalang scam hub sa Zamboanga Sibugay noong Oktubre 2, na nagresulta sa pag-aresto at pagsagip sa 244 na dayuhan na karamihan ay Chinese.
Kinumpirma rin ni Remulla na mga dayuhan ang nagpapatakbo sa mga micro hub, ngunit may mga Pilipinong katuwang ang mga ito.
Kabilang sa umano’y ginagamit na tauhan ng mga operator ang mga sinibak na pulis at sundalo.