Teves balik-Pinas na

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagdating nitong Huwebes ng gabi sa bansa ni dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo, na sinundo ng gobyerno mula sa Timor-Leste.
Lumapag sa Villamor Air Base ang eroplano ng Philippine Air Force (PAF) na sinakyan ni Teves, pasado alas-7:00 ng gabi.
Ani Remulla, mula sa Timor-Leste, nag-refuel ang eroplano sa Davao bago tuluyang lumapag sa Villamor, sa Pasay City.
Idiniretso muna sa National Bureau of Investigation (NBI) si Teves para sa kaukulang medical examination at posibleng doon i-detain.
Nang tanungin kung ano ang nagpabago para paburan ang deportasyon, sinabi ni Remulla na hindi niya alam kung naimpluwensyahan ng ASEAN Summit ang desisyon.
Giit niya na ang deportation ay isang “executive function”.
Nitong Huwebes, una nang tiniyak ng DOJ na pinakilos na nito ang Joint Team na binubuo ng mga kinatawan ng DOJ, Bureau of Immigration (BI), at NBI kasunod ng kautusan ng Timor-Leste na i-deport na si Teves.
- Latest




















