PNP nakahanda para sa ‘Christmas rush’ – Roxas
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na handang-handa na ang 150,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa lansangan sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon.
Nakipag-ugnayan na si Roxas kay PNP OIC Chief Supt. Leonardo Espina upang masigurong nakatutok ang mga otoridad sa mga lugar na pinamumugaran ng mga krimen tulad ng mga mall, istasyon ng LRT at MRT at terminal ng bus.
Kinumpirma ni Roxas na bumababa ang bilang ng krimen sa NCR dahil sa hindi bara-bara, hindi kanya-kanya at hindi ningas-kugong kalakaran sa ilalim ng OPLAN Lambat-Sibat.
Ipinaliwanag ng kahilim na bahagi nito ang “pasadya” kung saan naaayon sa katangian ng lugar ang uri ng operasyong ipatutupad ng pulisya. Tumutulong din sa pagpapanatili ng seguridad ang mga “force multiplier” tulad ng mga volunteer radio group at barangay tanod.
Kabilang sa mga high-traffic at high-crime na lugar na ito ang mga mall at shopping center sa Marikina, Pasig, Mandaluyong, San Juan, Moriones, Ermita, Pasay, Makati, Muntinlupa, Taguig, Masambong, Cubao, Kamuning at Eastwood.
Payo naman ni Roxas, mag-ingat din ang publiko upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari at upang panatilihing ligtas at masaya ang mga pagdiriwan g ngayong Kapaskuhan.
- Latest















