UST, SJI-Bacolod sumampa sa semis
MANILA, Philippines — Sumampa sa Final Four ang University of Santo Tomas at St. John’s Institute-Bacolod matapos humataw ng magkahiwalay na panalo sa 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals kahapon sa Playtime FilOil Arena sa San Juan City.
Dinaig ng Junior Tigresses ang One La Salle, 25-17, 25-22, habang tinalo ng Falcons ang Arellano University Lady Braves, 25-22, 25-17, papasok sa semifinals ng torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Pumalo si Nicole Pelaez ng game-high 12 points mula sa 10 attacks at dalawang blocks para banderahan ang UST, ang nagdedepensang Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 champion.
Nagdagdag si Manzanillo ng walong puntos, habang may tig-limang marka sina Erin Sotto at Jyrah Romias para sa Junior Tigresses na nilalabanan ang Pusong Azul kahapon habang isinusulat ito.
Laglag ang One La Salle sa 3-2 marka matapos maputol ang sinasakyang three-game winning streak.
Samantala, humataw si Caera Celis ng 12 points para sa 4-0 baraha ng SJI-Bacolod at may siyam at walong marka sina Edz Escultura at Kristel Mirasol, ayon sa pagkakasunod.
Nagwakas din ang tatlong sunod na ratsada ng Arellano para sa 3-2 marka.
Magtutuos ang UST at SJI-Bacolod ngayong ala-1 ng hapon sa four-game playdate ng weeklong competition na suportado rin ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
- Latest






















