Barkley pinasiklaban Elasto Painters
MANILA, Philippines — Magarbo ang naging panimula ng kampanya ng Blackwater matapos silatin ang paboritong Rain or Shine, 131-108, sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Montalban, Rizal.
Kumaripas sa 32-10 bentahe ang Bossing sa maalab na first-quarter start at hindi na prumeno pa tungo sa kumbinsidong 23-puntos na tagumpay sa back-to-back semifinalists na Elasto Painters.
Lumamang pa ang Blackwater ng hanggang 34 puntos matapos talunin ang Rain or Shine sa kabuuan ng laro bukod lang sa 4th quarter kung saan malayo na ang agwat nila.
Nagsaboy ng triple-double na 29 puntos, 15 rebounds at 10 assists ang import na si Kentrell Barkley upang trangkuhan ang mga bataan ni coach Pat Aquino para sa 1-0 kartada sa Group B tampok din ang Ginebra, Magnolia, Meralco, Phoenix at ROS.
Umalalay sa kanya sina Sedrick Barefield, RK Ilagan at Dalph Panopio na umiskor ng 24, 22 at 19 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Bossing na hangaring makabawi sa ikalawang conference nila sa ilalim ni dating Gilas women coach Aquino na pumalit kay Jeff Cariaso.
Solido rin ang kontribusyon nina James Una at Abu Tratter na may 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa balanseng atake ng Blackwater.
Nagliyab sa 38 puntos at 15 rebounds si Aaron Fuller subalit natameme ang local crew ng Elasto Painters sa pambihirang pagkakataon matapos sunud-sunod na maging No. 1 offfensive team sa golden anniversary ng PBA.
- Latest

















