Tall Blacks umeskapo sa Gilas

MANILA, Philippines — Tumirik ang Gilas Pilipinas kontra sa host New Zealand, 106-102, para sa ikatlong sunod nitong kabiguan sa krusyal na third window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa Spark Arena sa Auckland.
Ilang beses na sanang naibulsa ng Nationals ang tagumpay kabilang na ang 100-96 benteha sa huling minuto subalit naubusan ng gasolina tungo sa masaklap na ikatlong sunod na kabiguan sa Asian Qualifiers.
Laglag sa 2-3 kartada ang Gilas para matengga sa ikatlong puwesto ng Group A bagama’t sigurado na sa susunod na round.
Sunod na makakaharap ng wala pang galos na Australia (4-0) na lalong magpapahirap sa hangarin ng Nationals na makaipon ng panalo papasok sa carry over na 2nd round kontra sa Jordan, Iran at Syria ng Group C.
Lubusang ininda ng tropa ni head coach Tim Cone sa pagkakatememe ni resident import at naturalized player Justin Brownlee na nagkasya lang sa limang puntos kabilang na ang turnover sa huling posesyon kung saan tatabla o lalamang ang Ginebra sa huling 14 segundo.
Sa katunayan ay nangitlog si Brownlee sa regulation bago umiskor ng dalawang puntos sa unang OT at ang krusyal na tres sa 2nd OT upang bigyan ng 100-96 bentahe ang Gilas.
Nagpakawala ang Tall Blacks ng 8-2 ratsada kabilang ang follow-up ni Sam Mennenga para sa 104-102 bentahe.
Sa kawalan ni Brownlee ay nagbayanihan sina Juan Gomez De Liaño at Kevin Quiambao na may tig-23 points pati na sina Dwight Ramos at Carl Tamayo na may 18 at 17 markers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest


















