Cignal babangon, tsansa bubuhayin

MANILA, Philippines — Pipilitin ng Cignal HD na makabangon mula sa dalawang dikit na kamalasan, habang lalapit ang PLDT sa kanilang ikalawang sunod na finals appearance.
Lalabanan ng HD Spikers ang ZUS Coffee Thunderbelles ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang pagsagupa ng High Speed Hitters sa guest team na Kobe Shinwa University sa alas-4 ng hapon sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nakalasap ang Cignal ng 25-22, 17-25, 25-22, 11-25, 8-15 kabiguan sa Creamline kasunod ang 19-25, 13-25, 22-25 pagyukod sa PLDT.
Nauna nang nabigo ang HD Spikers sa Cool Smashers sa agawan sa bronze medal ng nakaraang 2025 PVL on Tour na pinagreynahan ng High Speed Hitters matapos gibain ang Chery Tiggo Crossovers sa finals.
Sa pagkatalo sa PLDT ay tanging si PVL on Tour MVP Erika Santos ang tumipa ng double digits sa kanyang 10 points habang hindi naglaro si Alas Pilipinas member Vanie Gandler.
Muling makakatuwang ni Santos sina Tin Tiamzon, Ishie Lalongisip, Gel Cayuna, Rose Doria-Aquino, Jacque Acuna at Alas Pilipinas libero Dawn Catindig.
Ang pagbuhay din sa pag-asa sa finals berth ang hangad ng ZUS Coffee na minalas sa Kobe Shinwa, 14-25, 25-27, 17-25, sa una nilang laban.
Samantala, lalapit ang High Speed Hitters sa pagsampa sa ikalawang sunod na finals stints sa pagharap sa Kobe Shinwa.
Pinadapa ng LDT ang sister team Cignal, 25-19, 25-13, 25-22, habang tinalo ng Japanese team ang ZUS Coffee, 25-14, 27-25, 25-17, noong Sabado.
- Latest


















