Eala sumulong sa WTA rankings

MANILA, Philippines — Hindi nagpatinag si Asian Games bronze me­dalist Alex Eala na uma­ngat sa world ranking ng Women’s Tennis Association (WTA).

Inokupahan ng Pinay ace netter ang ika-190 puwesto kung saan lumundag ito ng 14 spots mula sa kanyang dating posisyon na No. 204.

Malaking tulong ang runner-up finish ni Eala sa W40 Kyotec Open na ginanap sa Petange, Lu­xembourg noong Linggo.

Lumasap si Eala ng 1-6, 5-7 kabiguan sa finals laban kay French Oceane Dodin upang magkasya lamang sa second-place trophy.

Gayunpaman, ma­laking tulong ito upang madagdagan ang kanyang puntos sa world rankings.

Ito ang ikalawang pina­kamataas na posisyon ni Eala sa WTA rankings.

Matandaang umangat pa ito sa No. 189 noong Oktubre 2 matapos makasungkit ng dalawang tanso sa 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China.

Ang Petange tournament ang pinakahuling torneong nilahukan ni Eala sa taong ito.

Magpapahinga muna si Eala kasama ang kanyang pamilya sa holiday season. 

Show comments