Generika at PLDT babawi sa kabiguan
Pilipina vs. Chery Tiggo
MANILA, Philippines — Hangad ng Generika-Ayala Lifesavers at PLDT Home Fibr Hitters na makabawi sa pagharap sa kani-kanilang katunggali sa elimination round ng 2020 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Bacoor Strike Gymnasium sa Cavite.
Makakatapat ng Lifesavers ngayong alas-3 ng hapon ang Cignal HD Spikers at babanggain naman ng Power Hitters ang 2019 runner-up na F2 Logistics Cargo Movers sa alas-5 ng hapon at sa alas-7 ng gabi ang laro ng Marinerang Pilipina at Chery Tiggo.
Nalasap ng Lifesavers ang una nilang kabiguan matapos walisin ng nagdedepensang Petron Blaze Spikers, 22-25, 22-25, 21-25, sa opening day ng torneo noong Sabado sa The Arena sa San Juan City.
Kagaya ng inaasahan, naging maganda ang laro ng Lifesavers na binanderehan ni national team member Rhea Dimaculangan at Cuban import Elizabeth Vicet Campos.
Naging dikdikan ang laban, ngunit lumabas ang championship experience ng Petron at pinatahimik sila.
Muling sasandigan ng Generika-Ayala sina Dimaculangan at Vicet Campos kasama sina Patty Orendain, Ria Meneses, Mina Aganon, Eli Soyud at Kath Arado.
Samantala, laglag din sa 0-1 baraha ang Hitters matapos pahiyain ng bagong bihis na Sta. Lucia Lady Realtors, 24-26, 23-25, 27-29, sa una nilang paghaharap noong Sabado kasabay ng pagbabalik ni multi-titled mentor Roger Gorayeb.
Hindi naging sapat ang pinagsamang lakas sa opensa at depensa nina French guest player Maeva Orle at Aiko Urdas para padapain ang Lady Realtors na ipinarada ang Canadian national team member na si Shainah Joseph at prize-recruit Mika Reyes.
Sasandalan muli ni Gorayeb sina Orle at Urdas katuwang sina Shola Alvarez at Joyce Sta. Rita.
- Latest