Lady Uragons wagi sa Team Baguio
MANILA, Philippines – Tinalo ng Team Iriga Lady Uragons ang Team Baguio, 25-22, 25-17, 26-24 sa labanan ng mga provincial teams sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan.
Umiskor ng 15 puntos si Grazielle Bombita upang pangunahan ang Lady Uragons.
“Noong unang game namin talagang kabado pa kami. Hindi pa kasi din kami sanay sa ganitong venue, sa live TV, tapos may crowd pa,” ayon kay Iriga head coach Elvis Pabilona. “Ngayon nakapag-adjust na kami. Hopefully, maayos pa namin yung mga pagkukulang namin.”
Matapos makuha ng Iriga ang unang dalawang set ay nag-iba ang ihip ng hangin nang bumangon ang Baguio mula sa 20-15 para maitabla ito sa 20-all at mula doon ay naging dikit ang laban.
Ngunit sa huli ay nanaig ang Iriga at naiuwi ang una nilang panalo sa kanilang pangalawang laro sa Open Conference.
Nagtala naman ng 12 puntos si Maria Tsuchiya para sa unang laro ng Team Baguio.
Sa naunang laro ng Spikers Turf, nagwagi ang Airforce Airmen sa laro kalaban ang Sta. Elena Wrecking Balls, 25-21, 25-18, 25-21.
Nanguna sa panalo sina Reyson Fuentes at Fauzi Ismail na nagtala ng tig-13 puntos na siyang sumalba sa Airmen na nagpamigay ng 27 puntos mula sa errors.
“Marami pa talaga kaming errors. Siguro dahil na rin sa halos isang buwan pa lang magkakasama yung starting six ko. So, sa mga susunod na laban, kailangan maayos namin iyang mga errors pati yung mga mis-recieve namin,” pahayag ni Airforce coach Rhovyl Verayo.
- Latest






















