Apoy sa Balsa (36)
BAKAS ang tindi ng emosyon sa mga mata ni Kael habang nakatingin sa helmet na kanyang hawak. Sa kabila ng panganib na may makakita sa kanila, hindi na napigilan ni Rhea ang sarili. Humakbang siya palapit at hinawakan ang magkabilang kamay ng binata. Malamig ang mga kamay niya sa kaba, ngunit mahigpit ang kanyang pagkakahawak.
“Kael, konting tiis na lang, pakiusap,” basag ang boses ni Rhea ngunit puno ng katapatan. “Hindi natin kailangang magtago habang buhay. Kapag opisyal na akong na-promote bilang Creative Director, hindi na ako matatakot sa sasabihin ng management o ni Ms. Agatha. Haharapin natin sila nang magkasama. Gagawin nating publiko ang sa atin. Tiwala lang, Kael.”
Tinitigan siya ni Kael. Ang bawat salita ni Rhea ay tila gamot sa kaniyang mga latay ng insecurity. Ayaw niyang maging hadlang sa pangarap at karera ng dalaga. Dahan-dahan niyang pinisil pabalik ang mga kamay nito at pilit na ngumiti.
“Sige, Rhea. Maghihintay ako. Basta para sa ’yo,” malumanay nitong sagot.
Matapos ang maikling sandaling iyon, naghiwalay sila nang may baon na pag-asa. Ngunit habang si Rhea ay pauwi sa kaniyang condo, iba namang daigdig ang hinarap ni Kael.
Bandang alas-nuwebe ng gabi, nagsimula na ang kanyang second job. Dahil hindi sapat ang sahod bilang messenger para sa mga pangangailangan ng kanyang ina at kapatid sa probinsya at sa upa sa boarding house, nagtatrabaho siya gabi-gabi bilang tagaluto sa isang maliit at mausok na 24-hours burger stall sa isang mataong panulukan ng lungsod.
Sa ilalim ng maliwanag at masakit sa matang fluorescent light, suot ni Kael ang isang simpleng itim na apron habang nakatayo sa harap ng mainit na lutuan. Bakas ang pawis sa kanyang noo at braso. Dahil sa tindi ng init ng gabi at ng kalan, bahagyang nakabukas ang mga unang butones ng kanyang polo shirt, na naglantad sa kanyang maskuladong pangangatawan habang mabilis nitong niluluto ang mga burger patty.
Eksaktong alas-onse nang huminto sa tapat ng stall ang isang grupo ng mga night shift office workers. Napansin agad ng mga kababaihan ang pambihirang hitsura ng lalaking nagluluto ng kanilang tig-apatnapung pisong burger.
Itutuloy
- Latest



















