Huling Eba sa Paraiso (57)
Habang lihim na pinanonood ni Drew si Marianne sa pananalbos ng pako, naalala niya ang sinabi ni Lola Ela tungkol sa apo. Madalas daw marinig ni Lola na umiiyak sa gabi si Marianne at kapag tinatanong niya ito kung bakit umiiyak, wala namang maisagot. At dahil dun nag-aalala ang matanda sa nangyayari sa apo. Gusto nang sabihin ni Drew sa matanda na posibleng may pinapasan na problema si Marianne at maaaring may kaugnayan ang pinagsusuplayan nito ng gulay sa bayan. Kaya nga ang payo niya kay Lola Ela, pilitin nitong magtapat si Marianne kung bakit umiiyak.
Ngayong pinagmamasdan niya si Marianne habang inaayos ang mga talbos ng pako sa malaking bag, wala naman siyang nakikitang kalungkutan sa mukha nito. Seryoso ito sa ginagawa at mabilis ang kilos. Siguro’y sinabihan na naman ng may-ari ng restaurant na agahan ang pagdedeliber ng gulay.
Nang maisaayos na ang mga talbos ng pako sa malaking bag, kumilos na para umalis si Marianne. Nang tingnan ni Drew ang kanyang relo, pasado alas nuwebe ng umaga. Ayon sa kuwento ni Lola, dapat daw, alas nuwebe ay naroon nasa restaurant si Marianne. Iyon daw ang utos ng may-ari.
Nagmamadali si Marianne. Nakita ni Drew na nilagyan ni Marianne ng sapin ang ulo at saka ipinatong ang bag na puno ng gulay na pako. Sanay na sanay magbalanse sa ulo si Marianne. Mabilis itong naglakad. Hanggang sa mawala sa paningin ni Drew.
Isang hapon na umuwi si Tikoy may dala itong magandang balita kay Drew.
“Nakausap ko na ang doktor na gagamot sa matanda Kuya. Sa isang linggo, puwede na naming puntahan si Lola.’’
“Mabuti, Tikoy! Matutuwa si Lola. Bukas pupuntahan ko siya para malaman na gagamutin na siya.
‘‘Sige Kuya.’’
‘‘Kailangang malaman niya para makapaghanda sa gagawing pag-checkup sa kanya.’’ (Itutuloy)
- Latest

















