^

PSN Showbiz

Ruffa, walang bitterness

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon

Napakaganda ng attitude ni Ruffa Gutierrez, at iyan ang natanim sa aming isipan nang makita namin ang kanyang sinabing “be kind even to your ex.” Tama naman talaga. Ano nga ba ang dahilan para magsiraan ang dalawang tao, lalo na’t kung aminado naman kayong nagkaroon kayo ng relasyon?

Maliwanag na may panahon na nagkaroon kayo ng unawaan. Masasabi bang kahit na sino na ang masama lang ay ang dati niyang partner at siya walang batik? Don’t make me laugh.

Kilala natin si Ruffa since then. Alam din naman natin ang kuwento ng kanyang lovelife. In fact, dalawa sa ex ni Ruffa ay mga kaibigan namin.

Pero wala kaming narinig na kahit na anong masama na sinabi si Ruffa, at wala rin naman ka­ming narinig na hindi maganda tungkol sa kanya.

Nasa attitude talaga iyan. Kung likas na maganda ang ugali ‘yan ang makikita mo. Pero kahit na gaano pa kataas ang pinag-aralan, kahit na gaano pa kayaman, kung bungangera naman, sino nga ba ang makakatiis sa kanila, at maraming ganyan dito sa showbiz. Maganda lamang ang sinasabi habang may relasyon pa sila, pero basta hiwalay na asahan na ninyong lahat ng masama sasabihin na.

Pero hindi ba ang lumalabas naman sa mga taong punung-puno ng bitterness ay tanga sila dahil nakipagrelasyon pala sila sa mga taong hindi nila masikmura sa pait?

Tingnan din ninyo si Ate Vi (Vilma Santos), hindi mo masasabing maganda ang lahat ng itinakbo ng kanyang lovelife pero may narinig ba kayo? Kaya nananatili ang respeto nila sa isa’t isa. Eh  ang mga bitter-bitteran, mairerespeto ba ninyo?

Kasabihan na nga, ang mga babaeng nagi­ging bitter sa kanilang love life, pag-aralan ninyong mabuti ang buhay, karaniwan sila ang naghabol sa kanilang mga ex.

Pero kung hindi, eh ano ba kung mawala? Eh ano ba kung sumakabilang bahay na, kung maganda ang ugali mo, lalo’t na’t maganda ka pa, ikaw ang hahabulin. Kung mukha ka ngang nalu­ging tindera ng hopia, magiging bitter ka nga dahil ang maiisip mo kaya ka iniwan ay nakakita ng mas maganda kaysa sa iyo.

Mike, pinaghandaan ang eleksyon

Balik na sa hightest rating news program ang beteranong broadcast journalist na si Mike Enriquez matapos ang ilang buwang bakasyon.

Nagpa-kidney transplant siya, pero naging matagumpay raw iyon, nakapagpalakas na siya ng katawan, at ngayon nga ay balik-trabaho na.

Iyon naman ang talagang inaasahan nila, kaya nga sumailalim na si Mike sa medical procedure noon para makapagpahinga muna siya nang husto bago bumalik sa bakbakang trabaho dahil sa eleksiyon.

Alam naman natin kung gaano katindi ang trabaho nila sa mga ganyang panahon.

Bukod sa telebisyon, babalikan na rin ni Mike ang kanyang programa sa radyo.

Naniniwala kaming fit to work na nga si Mike. Isipin ninyo, siya pa ang nagtungo sa Cebu para ipahatid ang lubusang pakikiramay sa pagyao kanilang anchor person sa Balitang Bisdak na si Bobby Nalzaro.

Male singer, napagsabay-sabay ang tatlong karelasyon noon

Ito, Salve, ang isang blind item na throwback. Napag-usapan kasi namin ang isang sikat na singer na maraming misteryo noong bagets pa siya at nagsisimula pa lang. Naging “alaga” siya ng bading na half brother ng isang sumikat ding female star. Kasabay ng bading ay syota rin niya ang nanay ng isang sikat na aktres. Tapos marami ang nagulat dahil nabuntis naman niya ang kapatid ng isang sikat na sexy star noong araw.

Isipin mong napagsabay-sabay niya iyon, tapos puyat pa siya dahil halos gabi-gabi rin ang kanta niya sa isang watering hole noon sa Pasay Road.

Pero ngayon, sinasabi ng singer na matino na raw siya.

Tahimik naman ang kanyang pamilya ngayon at gumanda rin naman ang kanyang career noon kaya hindi na niya kailangang sumabit pa sa mga bakla at matrona.

Pero mabait naman ang singer kaya kahit na ganun, hindi siya naitsismis talaga, at saka bagets pa naman siya noong mga panahong iyon.

vuukle comment

RUFFA GUTIERREZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with