^

PSN Showbiz

Showbiz couple na dating matindi ang pagmamahalan nawasak sa katamaran ng mister

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Parang kumukulong tubig sa init nu’n ang pagmamahalan ng isang showbiz couple. Lantaran ang pagpapakita nila ng emosyon. Post sila nang post ng mga retratong nagpapatunay kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.

Sa kanilang mga interbyu ay ramdam din ng publiko ang nakapapaso nilang pagmamahalan. Forever na raw ang nakikita nilang pagsasama. Lalo na’t nagkaroon ng bunga ang kanilang pagmamahalan.

Kuwento ng aming source, “Pero tapos na ang kuwento ng pag-iibigan nila. Napakainit nu’n, pero super-lamig na ngayon. Hiwalay na sila, as in, umalis na ang guy sa bubong na pinagsaluhan nila ng girl.

“At ang kuwento, e, walang nakuha ang guy sa hiwalayan dahil lahat naman ng meron sila nu’ng nagsasama pa sila, e, ang girl ang bumili.

“Yes, ang female personality ang nagpundar ng lahat-lahat mula sa unang pako na ipinukpok sa bahay hanggang sa pinakahuling kagamitang iniakyat sa house,” madiing kuwento ng aming impormante.

Pero ano nga ba ang mga naging dahilan ng kanilang hiwalayan? Na­gising na lang ba ang female personality na hindi na niya mahal ang lalaki?

Patuloy ng aming source, “Hindi biglaan ang lahat, unti-unting nangyari ang pagkawala ng love ng girl sa guy. Patung-patong na pangyayari ‘yun na kinayang tiisin pa ng girl nu’ng mga unang panahon, pero sumuko na rin siya nu’ng bandang huli.

“Kung ikaw ang girl, makakaya mo bang makisama sa isang lalaking parang wala namang pangarap sa buhay? Gugustuhin mo bang makita ang partner mo na palaging tulog? Tapos ka nang magtrabaho sa mag­hapon, nagawa mo na ang lahat-lahat, pero sa pag-uwi mo, e, nandu’n pa rin ang guy, humihilik sa sarap ng tulog?

“Aba naman, kahit sinong babae, e, susuko sa ganu’ng klase ng lalaki, di ba? Hanggang sa one day, tinapat na ng girl ang karelasyon niya.

“Mas maganda nang maging magkaibigan na lang sila, kesa naman sa nagsasama pa rin sila, pero wala na siyang respeto sa lalaki. Magandang bargain na nga naman ‘yun, di ba?

“Matapang pa naman ang female personality na ito, talagang palaban na siya kahit nu’n pa, kahit nga ang kapatid niya, e, inaway niya nang bonggang-bongga nu’n, naaalala n’yo pa?” napakadiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

 Alden and Maine fans sinaniban ng fans nina Guy and Pip noon 

Maraming grupong umaaway ngayon kay Maine Mendoza. May mga Mainatics na galit sa kanya, ang mga tagasuporta ni Alden Richards ay pinupukol na rin ang dalaga, at ang lahat ng ‘yun ay dahil sa pakikipagmabutihan niya kay Arjo Atayde.

Pero kung kilala nga ng publiko si Maine ay kayang-kaya niyang depensahan ang kanyang sarili, hindi niya kailangan ng mga magtatanggol sa kanya, isang pitik lang niya ‘yun sa kanyang gadget ay tapos na ang laban.

Nagwawarla ang fans nila ni Alden dahil pareho silang nasa Amerika ngayon ni Arjo. May show ang binata sa Virginia, nasa New York naman si Maine para sa pakikipagtransaksiyon ng isang produktong siya ang kinukuhang endorser, nasa East Coast silang pareho.

Natural, nag-aalala ang kanyang mga tagasuporta na mas lalalim pa ang ugnayan nila ni Arjo ngayong nasa ibang bansa sila. Paano na si Alden, naiwan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan?

Pero may karapatan ba ang mga tagasuporta nina Alden at Maine na harangan pati ang personal na kaligayahan ng kanilang mga idolo? Si Maine na mismo ang nagdeklara nu’n na magkaibigan lang sila ni Alden, walang labis, walang kulang.

Hindi ang kanilang gusto ang dapat masunod, kung saan maligaya sina Alden at Maine ay ‘yun ang kailangang mangyari, hindi na sakop ng kanilang mga tagahanga pati ang idinidikta ng kanilang puso.

Tulad n’yan, mukhang nagkakaigihan na talaga sila ni Arjo, malinis naman ang intensiyon ng binatang aktor kay Menggay, ano ang masama du’n, may magagawa ba sila kung talagang pinana ni Kupido ang kanilang puso para sa bawat isa?

Sabi nga ng mga kaibigan namin ay buhay na buhay pa rin pala ang mga Guy & Pip fans. 2019 na pero parang 70’s pa rin ang peg ng AlDub members na kontrang-kontra kapag may ibang napapalapit kina Alden at Maine.

vuukle comment

ALDEN RICHARDS

MAINE MENDOZA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with