Mahal laos at matanda na raw

MANILA, Philippines - Patuloy na tinututukan ang Face the People sa pagdinig nito sa mga isyu at suliranin ng mga bisita nito -- maging artista man o ordinaryong tao.

Ngayong Biyernes, ang komedyanteng si Mahal naman ang uupo sa “silya de konsensya” ng Face The People upang matulungan siya sa kanyang dinadalang problema.

Tanong ni Mahal: Dapat pa ba akong mag-artista?

Isang galit na galit na Mahal ang sumugod sa Face the People na nag-aakusang sinisiraan daw siya ng Kissybabes -- mga bagong talents ng kanyang manager na si Jethro Carrey.

Nagsimula ang iringan nang sabihan si Mahal na laos at matanda na nina Kisses Castillano at Em-em Basa, mga miyembro ng Kissybabes. Mas nagalit pa si Mahal nang sabihan siyang pang-Halloween lang daw ang beauty niya, dahilan kung bakit binato niya ng sapatos ang dalawa.

Galit na galit din si Mahal sa kanyang manager na si Jethro. Palibhasa’y jinojowa daw si Jethro ng Kissybabes kaya pumapayag lang ito sa mga nangyayari.

Hinamon ni Mahal ang Kissybabes na magpasiklaban upang malaman kung sino ba talaga ang mas talented.

Ngunit matapos ang lahat ng nakakatawang sagutan, nag-breakdown si Mahal at aaminin ang tunay na dahilan ng kanyang sama ng loob.

Dapat pa bang mag-artista si Mahal? Ano ang dahilan ng kanyang sama ng loob?

Tutukan yan ngayong Biyernes sa Face the People, 4:30 p.m. sa TV5!

Show comments