Nina magpapasiklab

MANILA, Philippines - Tunghayan ang ’di matatawarang galing sa pag-awit ng Soul Siren na si Nina sa March 5 at 6 na gaganapin sa Music Museum.

Sa loob ng limang taong naging bahagi ng ASAP, nakipagsabayan siya sa kanyang kapwa performers. Isang matibay na ebidensiya sa kanyang kakaibang talento ay nang itinanghal siya bilang unang babaeng mang-aawit na nakatanggap ng Diamond Record Award para sa kanyang pangatlong successful album na pinamagatang Nina Live! 

Umani rin ng papuri’t parangal si Nina kasama ang kayang mga co-ASAP Sessionistas para sa kanilang kauna-unahang concert noong 2009. Tuwing Linggo, inaabangan din ang kanilang performance sa ASAP XV.

Noong nakaraang taon, naimbitahan din si Nina sa isang international variety chat show na pinamagatang Asia Uncut na napapanood sa Star World. Ang kanyang paglabas sa naturang programa ang nagbigay daan upang siya ay tanghaling Asia’s Soul Siren. Siya rin ang pangalawang Pilipina na nakapag-guest sa nasabing palabas. Ang una ay ang world-class artist na si Lea Salonga.

Kaya siguradong magpapasiklab ang Female Diamond Artist na si Nina sa ASAP XV Concert Series na hatid ng ASAP dahil ipagdiriwang niya ang kanyang ika-labinlimang taong selebrasyon.

Show comments