Ana, gusto pa ring mag-bold

Nominado si Ana Capri sa nakaraang Manila Film Festival for best supporting actress para sa pagganap niya sa Sanib. Si Elizabeth Oropesa ang nanalo para sa Huling Birhen Sa Lupa.

Huli naming nakausap si Ana, sa taping ng bagong seryeng pinamamahalaan ni Gina Alajar sa Mendez, Cavite. Masaya siya’t tipong in-love ang dating.

Aminado si Ana, pagpapa-sexy rin sa on-screen ang ginamit niyang pasaporte para madaling makilala sa showbusiness. Hindi niya yun pinagsisisihan dahil unti-unti na siyang nakakawala ngayon sa dati niyang imaheng bold and sexy.

Di nga ba’t kinilala na ang galing niya sa pag-arte nang parangalan siya bilang best actress sa unang Cine Manila International Film Festival para sa pelikulang Pila Balde. Pero sa rami ng mga baguhang kay lalakas ng loob na maghubad at magpakita ng kanilang katawan, hindi ba siya nai-insecure sa mga ito?

"Hindi naman. Pinagdaanan ko na rin yan, pabayaan na lang natin sila. Siguro naman, kahit paano may napatunayan na rin ako. At this point in time kasi, umaasa akong makagawa ng mga pelikula that will require me to do an honest-to-goodness acting.

"But don’t get me wrong, ha! I’m not closing my doors, if and when an offer comes along na kakailanganin kong magpa-sexy, basta lang may relevance sa istorya, I’ll do it," pahayag ni Ana Capri.Ben Dela Cruz

Show comments