Lovely, 'Burara'

Sino ang Burara between Via Veloso at Lovely Mansueto? Pareho sila dahil magkasama sila sa pelikulang Burara na kasalukuyan nilang sinu-shooting sa ilalim ng Leo Films. Ito ang unang pagkakataon na magsasama ang dalawa sa pelikula na dinirek ni Dante Boy Pangilinan.

Nang makausap namin si Direk Dante, nabanggit niyang matagal na niyang binabalak gawin ang pelikulang ito. Si direk ay visible noon sa pagdidirek sa Regal pero nagpasya siyang mag-negosyo kaya pansamantalang nawala. At ngayon nga muli siyang nagbabalik.

"Noon, hindi ko pa gustong isabak si Lovely bilang Burara kasi napakabata pa niya. Pero ngayong malapit na siyang mag-debut, puwede na siya." Si Lovely naman ay masayang-masaya dahil finally, malaking break ang ibinigay sa kanya. At kahit gagawa na siya ng pelikula, hindi pa rin siya titigil sa pag-aaral.

Makakasama nila ni Via sa Burara sina Tonton Gutierrez, Ramon Christopher at Melissa Mendez.

Sa naturang pelikula, mahinhin ang papel ni Via pero pagdating sa gabi, nag-iiba siya.

Si Lovely naman ay burara sa pagkilos at pananalita. Ngayon lang masusubok ang itinatagong talento ng dating child star. Handang suportahan si Lovely ng parents niyang sina Manding at Rita Mansueto sa kanyang pagpasok sa pelikula. (Ulat ni Vir Gonzales)

Show comments