3 ASG sumuko kay Brig. Gen. Romero, ARRAPI officials

ISABELA CITY, Basilan , Philippines — Tatlong tagasuporta ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga military reservists officials kasunod ng serye ng negosasyon para sa alok na “reintegration program” ng gobyerno at makabalik sa kanilang tahimik na pamumuhay, dito sa lalawigan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Association of Reservists and Reservist Administrators of the Philippines, Inc. (ARRAPI), na siyang nangasiwa sa pag-uusap, ang tatlong ASG supporters ay nagsuko rin ng 18 high-powered firearms.
Ayon kay Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero, kasama ng mga opisyal ng ARRAPI, ang pagsuko ng tatlong ASG supporters ay isa pang mahalagang yugto at tagumpay ng gobyero sa kampanya nito na maisulong ang pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa probinsya.
Bitbit ng tatlong sumuko ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng anim na M16 rifle, tatlong M2 carbine rifle, tatlong M1 Garand rifle, dalawang 60mm grenade launcher, at apat na .45-caliber handgun.
Pormal na ipapasa ang mga isinukong armas sa 1101st Infantry Brigade ng Philippine Army sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Frederick Sales.
Bukod kay Gen. Romero, ang iba pang miyembro ng negotiation group ay sina Colonel Vlad Mata, Colonel Meliton Agpaoa, at Basilan Gov. Mujiv Hataman.
Ang backchannel negotiation ay nagsimula nang humingi ng tulong ang mga surrenderer sa ARRAPI sa pamamagitan ng network nito sa Basilan at Zamboanga, na nagsabing handa nilang talikuran ang kanilang dating kinaaaniban, malinis ang kanilang pangalan at makabalik sa tahimik na pamumuhay bilang mga sibilyan.
Ang turnover ceremony ay dinaluhan nina Western Mindanao Command (WestMinCom) Deputy Commander Brig. Gen. Aldrin Annani, Task Force Orion–WestMinCom Commander Brig. Gen. Adriano Duadico, WestMinCom Engineering Brigade Commander Brig. Gen. Enyong Hernandez, Tuburan Mayor Durie Kallahal, dating Moro National Liberation Front (MNLF) leader, at Hataman.
- Latest


















