Chainsaw operator, kasama todas sa ambush!

COTABATO CITY, Philippines — Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang chainsaw operator at ang kanyang kasama na biktima ng ambush sa Sitio Bohe Libi sa Barangay Macalang sa Al-Barka, Basilan nitong Biyernes.
Sa hiwalay na ulat ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army at Basilan Provincial Police Office nitong Linggo, magkaangkas sa motorsiklo ang chainsaw operator na si Franky Miano at ang kanyang kasamang lalaki, patungo sa kung saan nang sila ay tambangan at pagbabarilin ng mga armadong nakaabang sa gilid ng kalye sa Sitio Bohe Libi, Barangay Macalang.
Inaalam pa hanggang nitong umaga ng Linggo ng mga lokal na kinauukulan at ng mga Army intelligence agents ang tunay na pangalan ng kasama ni Miano na nasawi rin sa insidente.
Wala pang linaw sa mga imbestigador ng Al-Barka Municipal Police Station at sa mga local officials kung sino ang mga responsable sa naturang ambush na mabilis na nakatakas.
Ayon kay Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagtutulungan na ang mga barangay leaders sa Al-Barka at mga opisyal ng lokal na pulisya sa pagkilala sa mga salarin upang agad na masampahan ng mga kaukulang kaso.
- Latest