Buntis, huli sa P21 milyong droga sa buy-bust

MANILA, Philippines —  Umaabot sa P21 milyon ang halaga ng shabu na nakumpiska mula sa isang buntis na dati nang kinakaharap na kaso sa isinagawang buy-bust operation sa  Lapu-Lapu City.

Ayon kay LCPO director Police Col. Elmer Lim, nakuha ang nasa 3-kilo ng shabu sa suspek na nagngangalang “Let-Let” sa  isang buy-bust operation sa Sitio Soong, Brgy. Maribago ng nasabing lungsod.

Lumilitaw na ang suspek ay ni-recruit  ng kanyang pinsan para sa illegal drug activity at operasyon sa Mandaue at Lapu-Lapu.

Batay sa isinagawang background check, nadiskubreng naaresto na sa Maynila ang nasabing babae sa kasong pagnanakaw subalit nakapagpiyansa at dinala ng kanyang pinsan sa nabanggit na lalawigan.

Samantala, nakum­piska rin kahapon ng Cebu Provincial Police Office ang nasa 1.1 kilo ng pinaniniwalaan shabu sa Talisay City, Cebu na nagkakahalaga ng P7.4-milyon.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang nadakip na suspek sa nasabing ikalawang operasyon.

Show comments