Drug pusher utas sa tandem

BULACAN , Philippines -   Patay ang 33-anyos na lalaki na sinasa­bing sangkot sa bentahan ng droga matapos itong pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa Barangay Prenza I, bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Erickson Abordunato ng Barangay Loma De Gato sa nasabing bayan. Base sa imbestigasyon ni SPO1 Enrique Areja, dakong alas-7:25 ng gabi nang matagpuan ang duguang katawan ng biktima na nakabulagta sa madilim na bahagi ng Mabel Compound. Ilan sa mga residente ang nakakita sa gunmen na tumakas lulan ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay Santa Rosa II sa nasabing lugar. Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala cal .45 pistol, belt bag na may pakete ng shabu, mga drug paraphernalia, at iba’t ibang personal na gamit. May nakalagay na karatula sa dibdib ng biktima na nakasulat na ‘wag tularan, snatcher, holdaper, tulak ako”.

Show comments