Nanalong barangay chairman inutas ng utol

MANILA, Philippines - Dahil sa sobrang pagkagahaman sa tungkulin, pinagbabaril at napatay ng natalong barangay chairman ang kapatid nitong nanalo na kahalili niya sa puwesto  at idinamay pang patayin ang kanyang dalawang kapatid na babae sa ginanap na halalang pambarangay sa isla ng Barangay Manapao, bayan ng Pontevedra, Capiz kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang mga napatay na sina Barangay Chairman Ramon Arcenas, 54; Jennifer Arcenas Nuyles, 57; at si Evelyn Arcenas Espinar, 58, pawang mga nakatira sa nasabing lugar.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ang suspek na si  ex-Barangay Chairman Manuel Arcenas, 62.

Naganap ang pamamaslang bandang alas-5 ng umaga sa bakuran ni Wennie Baticula nang biglang sumulpot ang suspek na si Manuel bitbit ang cal. 30 rifle kung saan inunang ratratin ang nagwaging si Ramon.

Sa inisyal naman ulat ni SP02 Fernando Marquez, ilang oras matapos maiproklamang nanalo si Ramon nang lapitan at ratratin ng nakatatandang utol kung saan lumilitaw na ikinagalit ng suspek ang pagkatalo ng kaniyang anak na si Isabel na pinalaban niya sa kaniyang kapatid.

Maging ang isa pang anak na si Manuel Arcenas Jr. ay natalo na kumandidato namang barangay kagawad.

Lumilitaw din na kaya idinamay ng suspek ang dalawa nitong kapatid ay si­nuportahan ang kandidatura ng kapatid niyang si Ramon imbis na ang anak na si Junior.

Bukod dito ay may alitan din sa pagitan ng mag-utol na si Ramon at Manuel kaugnay sa malawak na lupain na pinag-aagawan.

Kaugnay nito, bumuo na ng tracker team ang Capiz PNP laban sa paghahanap sa suspek.

Show comments