2 anak ng sundalo binihag ng NPA

MANILA, Philippines - Dalawang anak ng sundalo ang hinostage ng mga rebeldeng New People’s Army sa desperadong pagtatangka na paslangin ang tropang gobyerno kamakalawa sa Barangay Mandalingan sa bayan ng Kapalong, Davao del Norte.

Sa phone interview, sinabi ni Lt. Col.Lyndon Paniza, spokesman ng Army’s 10th Infantry Battalion bandang alas-9:30 ng umaga nang harangin ng mga rebelde ang motorsiklo ni Pfc Lito Masaluon sa Sitio Danao, Barangay Mandalingan.

Ang nasabing sundalo ay may dalang sako ng bigas na supply ng kaniyang mga kasamahan sa Kimantaan detachment, kasama ang dalawa nitong anak at isang sibilyan.

Nang maramdaman ang panganib matapos paputukan ng mga rebelde ay nagtatakbo ang nasabing sundalo at nagkubli upang hindi madamay ang mga anak nito at kasamahang sibilyan.

Gayon pa man, hinostage ng mga rebelde ang anak ng nasabing sundalo sa desperadong hakbang upang mapatay ang target na pilit ng mga itong pinasusuko.

Sinabi ni Paniza na bandang alas-11 ng tanghali ng pakawalan ng mga rebelde ang dalawang anak ni Masaluon

Nabatid na ang nasa­bing sundalo ay naanod ang bahay sa pananalasa ng bagyong Pablo kaya pansamantalang dinala muna nito ang dalawang anak sa detachment upang may matuluyan.

Show comments