Titulo abot-kamay na ng Basilan
MANILA, Philippines — Walang bahid ng pangangalawang ang Basilan nang ilampaso nito ang Roxas, 81-69 demolisyon upang makalapit sa inaasam na korona sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Leg kahapon sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Ibinuhos ng Basilan ang lahat ng itinatago nitong lakas para makuha ang 1-0 bentahe sa best-of-three championship series.
Galing ang Basilan sa 11 araw na pahinga dahil hinintay pa nitong matapos ang stepladder semifinals.
“I’m just happy we followed the game plan. Kahit na nagkaroon kami ng long break, nakita naman dito na we have fresher legs than them so we just kept on pressuring from start to finish,” ani Basilan head coach Jerson Cabiltes.
Solido ang laro ni Chris Bitoon na nagpakawala ng 20 puntos tampok ang apat na three-pointers kasama ang apat na assists.
Nagdagdag naman si Michael Mabulac ng 12 markers at anim na rebounds habang naglista si Season MVP Hesed Gabo ng 10 points, apat na steals, tatlong rebounds at tatlong assists.
Nakagawa ang Roxas ng 22 turnovers na sinamantala ng Basilan para makagawa ng 24 puntos.
- Latest


















