Ancajas ‘di pa uuwi ng Pinas para tulungan si Marcial

MANILA, Philippines — Wala pang balak bumalik sa Pilipinas si International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas matapos ang matagumpay na title defense nito kay Mexican Jonathan Rodriguez noong Linggo sa Connecticut.

Ito ay upang tulungan si Eumir Felix Marcial sa training camp nito para sa Tokyo Olympics na nakatakdang ganapin sa Hulyo sa Japan.

“Mag-stay pa muna kami dito dahil tutulungan pa namin si Eumir sa preparations niya sa Olympics. Gusto naming makatulong sa target niya na makuha ‘yung gold sa Olympics,” ani Ancajas.

Bahagi si Marcial ng Team Ancajas sa training camp nito sa Amerika.

Ilang buwan nang magkasama sina Ancajas at Marcial sa iisang bahay kaya’t halos araw araw itong sumasailalim sa magagaan na sparring sessions.

“Malaki ang naitulong niya sa sparring ko. Kaya wala kaming nasa isip ngayon kundi makuha ni Eumir ‘yung pangarap nating lahat na gold sa Olympics,” ani Ancajas.

Ayon kay MP Promotions president Sean Gibbons, mananatili sa Los Angeles, California si Marcial hanggang sa unang linggo ng Mayo bago bumalik sa Pilipinas para makasama ang Phl national team sa training camp.

Kasama si Marcial ng delegasyon na sasabak sa Asian Championships sa huling bahagi ng Mayo sa India.

“We probably will return around the first week (of May) in the Philippines. There’s really no need to do another fight because it’s really about Tokyo,” ani Gibbons.

Habang tumutulong sa training camp ni Marcial, nakaabang na rin si Ancajas sa mga posibleng makalaban nito sa kanyang susunod na title defense.

Kabilang sa mga posibleng makasagupa nito sina Roman ‘Chocolatito’ Gonzales at Juan Estrada.

“Kung may opportunity, gusto ko makalaban lahat ng champion sa division ko tulad nina Estrada, Chokolatito. I want the big fight for me,” ani Ancajas.

Show comments